Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 101

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

Salmo 109:1-30

Ang Daing ng Taong Nasa Kahirapan

109 O Dios na aking pinapupurihan, dinggin nʼyo ang aking panawagan!
Dahil akoʼy pinagbibintangan ng mga sinungaling at masasamang tao.
    Nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
Sinisiraan nila ako at sinusugod ng walang dahilan.
Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila ay kinakalaban pa rin nila ako,
    ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.
Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila, masama ang iginaganti nila.
    At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.
Sinasabi nila,[a]
    “Maghanap tayo ng masamang tao na kakalaban sa kanya,
    at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.
At kapag hinatulan na siya, lumabas sana na siya ang may kasalanan,
    at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.
Mamatay na sana siya agad at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.
At nang maulila ang kanyang mga anak at mabiyuda ang kanyang asawa.
10 Maging palaboy sana at mamalimos ang kanyang mga anak
    at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.
11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan ang kanyang mga ari-arian,
    at agawin ng mga dayuhan ang kanyang pinaghirapan.
12 Wala sanang maawa sa kanya at sa mga naulila niyang mga anak kapag namatay na siya.
13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.
14-15 Huwag sanang patawarin at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan ng kanyang mga magulang at mga ninuno;
    at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.
16 Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,
    sa halip ay inuusig at pinapatay niya ang mga dukha, ang mga nangangailangan at ang mga nawalan ng pag-asa.
17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba, kaya sa kanya na lang sana mangyari ang kanyang sinabi.
    Ayaw niyang pagpalain ang iba kaya sana hindi rin siya pagpalain.
18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba; parang damit na lagi niyang suot.
    Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig na nanunuot sa kanyang katawan,
    at parang langis na tumatagos sa kanyang mga buto.
19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya na parang damit na nakasuot sa katawan o sinturon na palaging nakabigkis.”

20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa sa mga nagbibintang at nagsasalita ng masama laban sa akin.
21 Ngunit Panginoong Dios, tulungan nʼyo ako upang kayo ay maparangalan.
    Iligtas nʼyo ako dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.
22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan, at ang damdamin koʼy nasasaktan.
23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay. Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,
    at parang balang na lumilipad at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.
24 Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa pag-aayuno.
    Akoʼy payat na payat na.
25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.
    Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.
26 Panginoon kong Dios, iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.
27 At malalaman ng aking mga kaaway na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.
28 Isinusumpa nila ako, ngunit pinagpapala nʼyo ako.
    Mapapahiya sila kapag sinalakay nila ako ngunit ako na inyong lingkod ay magagalak.
29 Silang nagbibintang sa akin ay lubusan sanang mapahiya,
    mabalot sana sila sa kahihiyan tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.

30 Pupurihin ko ang Panginoon,
    pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.

Salmo 119:121-144

121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
    huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
    upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
    dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
    nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
    kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
    gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
    at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
    upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
    at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.

137 Matuwid kayo, Panginoon,
    at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
    kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
    at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
    ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.

Jeremias 18:1-11

18 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.” Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok. Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito? Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko. Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak, at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila. At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian, 10 at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.

11 “Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ko, ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’

Roma 8:1-11

Pamumuhay na Ayon sa Banal na Espiritu

Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Cristo Jesus. Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan[a] ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay. Ang Kautusan ay hindi makapag-aalis ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay dahil sa kahinaan ng ating makasalanang pagkatao. Ang Dios ang nag-alis nito nang isinugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang handog para sa ating mga kasalanan. At sa kanyang pagiging tao, tinapos na ng Dios ang kapangyarihan ng kasalanan. Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao. Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Pero ang tao namang namumuhay ayon sa Banal na Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Banal na Espiritu. Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan. Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod. Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.

Pero hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon sa patnubay ng Espiritu, kung totoong nasa inyo na nga ang Espiritu ng Dios. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siyaʼy hindi kay Cristo. 10 Pero dahil nasa inyo na si Cristo, mamatay man ang katawan nʼyo dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Dios. 11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Juan 6:27-40

27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” 28 Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang ipinapagawa ng Dios sa inyo: manampalataya kayo sa akin na isinugo niya.” 30 Nagtanong ang mga tao, “Anong himala po ang maipapakita nʼyo para manampalataya kami sa inyo? 31 Ang ating mga ninuno ay kumain ng ‘manna’ noong nasa ilang sila. Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”[a] 32 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na ibinibigay ng Dios ay walang iba kundi siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao sa mundo.” 34 Sinabi ng mga tao, “Palagi nʼyo po kaming bigyan ng sinasabi nʼyong tinapay.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.

36 “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko. 37 Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin. 38 Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®