Book of Common Prayer
Dalangin para Tulungan ng Dios ang Bansa
80 O Pastol ng Israel, pakinggan nʼyo kami.
Kayo na nangunguna at pumapatnubay sa angkan ni Jose na parang mga tupa.
Kayo na nakaupo sa inyong trono sa gitna ng mga kerubin,
ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,
2 sa lahi ni Efraim, ni Benjamin at ni Manase.
Ipakita nʼyo po ang inyong kapangyarihan;
puntahan nʼyo kami para iligtas.
3 O Dios, ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
4 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
hanggang kailan ang galit ninyo sa mga panalangin ng inyong mga mamamayan?
5 Pinuno nʼyo kami ng kalungkutan, at halos mainom na namin ang aming mga luha.
6 Pinabayaan nʼyong awayin kami ng mga kalapit naming bansa
at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway.
7 O Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo kami sa mabuting kalagayan.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
8 Katulad namin ay puno ng ubas,
na kinuha nʼyo sa Egipto at itinanim sa lupaing pinalayas ang mga nakatira.
9 Nilinis nʼyo ang lupaing ito at ang puno ng ubas ay nag-ugat
at lumaganap sa buong lupain.
10 Nalililiman ng mga sanga nito ang mga bundok at ang malalaking puno ng sedro.
11 Umabot ang kanyang mga sanga hanggang sa Dagat Mediteraneo at hanggang sa Ilog ng Eufrates.
12 Ngunit bakit nʼyo sinira, O Dios, ang bakod nito?
Kaya ninanakaw ng mga dumadaan ang mga bunga nito.
13 At kinain din ito ng mga baboy-ramo at iba pang hayop sa gubat.
14 O Dios na Makapangyarihan, bumalik na kayo sa amin.
Mula sa langit, kami ay inyong pagmasdan.
Alalahanin nʼyo ang inyong mga mamamayan,
15 na tulad ng puno ng ubas na inyong itinanim sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Alalahanin nʼyo kami na inyong mga anak na pinatatag nʼyo para sa inyong kapurihan.
16 O Dios, para kaming mga puno ng ubas na pinutol at sinunog.
Tiningnan nʼyo kami nang may galit, at nilipol.
17 Ngunit ngayon, tulungan nʼyo kami na inyong mga hinirang na maging malapit sa inyo at palakasin kami para sa inyong kapurihan,
18 at hindi na kami tatalikod sa inyo.
Ibalik sa amin ang mabuting kalagayan,
at sasambahin namin kayo.
19 O Panginoong Dios na Makapangyarihan,
ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!
Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.
Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan
77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
2 Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
3 Kapag naaalala ko ang Dios,
napapadaing ako at para bang nawawalan na ng pag-asa.
4 Hindi niya ako pinatutulog,
hindi ko na alam ang aking sasabihin, dahil balisang-balisa ako.
5 Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas.
6 Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako[a] sa gabi.
Nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili:
7 “Habang buhay na ba akong itatakwil ng Panginoon?
Hindi na ba siya malulugod sa akin?
8 Nawala na ba talaga ang pag-ibig niya para sa akin?
Ang kanyang pangako ba ay hindi na niya tutuparin?
9 Nakalimutan na ba niyang maging maawain?
Dahil ba sa kanyang galit kaya nawala na ang kanyang habag?”
10 At sinabi ko, “Ang pinakamasakit para sa akin ay ang malamang hindi na tumutulong ang Kataas-taasang Dios.”
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.
Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa
79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
para sa kapurihan ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.
Nangaral si Jeremias
7 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Tumayo ka sa pintuan ng templo ko at sabihin mo ito sa mga mamamayan ko: ‘Makinig kayo, kayong mga taga-Juda na pumapasok dito para sumamba sa Panginoon. 3 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Baguhin na ninyo ang inyong pag-uugali at pamumuhay, para patuloy ko kayong patirahin sa lupaing ito. 4 Huwag kayong palilinlang sa mga taong paulit-ulit na sinasabing walang panganib na mangyayari sa inyo dahil nasa atin ang templo ng Panginoon.
5 “ ‘Baguhin na ninyo ng lubusan ang inyong pag-uugali at pamumuhay. Tratuhin ninyo ng tama ang inyong kapwa, 6 at huwag na ninyong apihin ang mga dayuhan, ulila, at mga biyuda. Huwag ninyong papatayin ang mga walang kasalanan, at huwag kayong sumamba sa ibang mga dios na siyang magpapahamak sa inyo. 7 Kapag ginawa nʼyo ito, patuloy ko kayong patitirahin sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga magulang nʼyo magpakailanman.
8 “ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan. 9 Kayo ay nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal, at sumasamba sa ibang mga dios na hindi nʼyo nakikilala. 10 Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap ko rito sa templo, kung saan pinararangalan ang pangalan ko. At sinasabi nʼyo, “Ligtas tayo rito.” At pagkatapos, ginagawa na naman ninyo ang mga gawaing kasuklam-suklam. 11 Bakit, ano ang akala ninyo sa templong ito na pinili ko para parangalan ako, taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang mga ginagawa sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12 “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel. 13 Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot. 14 Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 15 Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’[a]
Ginawang Halimbawa si Abraham
4 Bilang halimbawa kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao, isipin ninyo si Abraham na Ama ng mga Judio sa laman. 2 Kung itinuring siya ng Dios na matuwid dahil sa mga nagawa niya, sanaʼy may maipagmamalaki siya. Pero wala siyang maipagmamalaki sa Dios, 3 dahil sinasabi sa Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil ditoʼy itinuring siyang matuwid ng Dios.”[a] 4 Ang ibinibigay sa isang taong nagtatrabaho ay hindi kaloob kundi bayad. 5 Pero itinuring tayong matuwid ng Dios sa kabila ng ating mga kasalanan hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa pananampalataya natin sa kanya. 6 Ito ang ibig sabihin ni Haring David nang banggitin niya ang pagiging mapalad ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios hindi dahil sa kanilang mabubuting gawa. 7 Ang sinabi niya,
“Mapalad ang taong pinatawad at kinalimutan na ng Dios ang kanyang kasalanan.
8 Mapalad ang tao kapag hindi na ibibilang ng Panginoon laban sa kanya ang kanyang mga kasalanan.”[b]
9 Ang mga sinabing ito ni Haring David ay hindi lang para sa mga Judio, kundi pati na rin sa mga hindi Judio. Alam natin ito dahil binanggit na namin na, “itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.” 10 Kailan ba siya itinuring na matuwid? Hindi baʼt noong hindi pa siya tuli? 11 Tinuli siya bilang tanda na itinuring na siyang matuwid dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya si Abraham ay naging ama[c] ng lahat ng mga mananampalatayang hindi tuli. At dahil nga sa kanilang pananampalataya, itinuring silang matuwid ng Dios. 12 Siya rin ang ama ng mga Judiong tuli, hindi lang dahil silaʼy tuli sa laman, kundi dahil sumasampalataya rin sila tulad ng ating ninunong si Abraham noong hindi pa siya tuli.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral. 15 Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang. 18 Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang na papurihan siya. Ngunit ang naghahangad na papurihan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling. 19 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. 22 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. 23 Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.”
Nagtanong ang mga Tao kung si Jesus nga ba ang Cristo
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? 26 Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? 27 Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”
28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Dios ang nagsugo sa akin, pero hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil sa mga sinabing ito ni Jesus, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Judio, pero walang humuli sa kanya dahil hindi pa ito ang oras niya. 31 Sa kabila nito, marami pa rin sa mga tao ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Siya na nga ang Cristo, dahil walang makakahigit sa mga himalang ginagawa niya.”
Inutusan ang mga Guwardya sa Templo na Dakpin si Jesus
32 Narinig ng mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus. Kaya inutusan nila at ng mga namamahalang pari ang mga guwardya sa templo na dakpin si Jesus. 33 Sinabi ni Jesus, “Sandali nʼyo na lang akong makakasama, at pagkatapos nitoʼy babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin nʼyo ako, pero hindi nʼyo makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 35 Nagtanungan ang mga pinuno ng mga Judio, “Saan kaya niya balak pumunta at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa mga lugar ng mga Griego, kung saan nagsipangalat ang mga kapwa natin Judio, para mangaral sa mga Griego? 36 Bakit kaya niya sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan’?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®