Book of Common Prayer
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
5 Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
6 Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
7 Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
8 O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
9 Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[b]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
27 Ituturing ko siyang panganay kong anak,
ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng hari.
28 Ang pag-ibig ko sa kanyaʼy magpakailanman at ang kasunduan ko sa kanyaʼy mananatili.
29 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang angkan;
ang kanyang paghahari ay magiging matatag tulad ng kalangitan at mananatili magpakailanman.
30 Ngunit kung ang mga anak niya ay tumalikod sa aking kautusan at hindi mamuhay ayon sa aking pamamaraan,
31 at kung labagin nila ang aking mga tuntunin at kautusan,
32 parurusahan ko sila sa kanilang mga kasalanan.
33 Ngunit mamahalin ko pa rin at dadamayan si David.
34 Hindi ko sisirain ang aking kasunduan sa kanya,
at hindi ko babawiin ang aking ipinangako sa kanya.
35 Nangako na ako kay David ayon sa aking kabanalan at hindi ako maaaring magsinungaling.
36 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang lahi magpakailanman gaya ng araw,
37 at magpapatuloy ito magpakailanman
katulad ng buwan na itinuturing na tapat na saksi sa kalangitan.”
38 Ngunit, Panginoon, nagalit kayo sa inyong piniling hari;
itinakwil nʼyo siya at iniwanan.
39 Binawi nʼyo ang kasunduan sa inyong lingkod at kinuha sa kanya ang kapangyarihan bilang hari.
40 Winasak ninyo ang mga pader ng kanyang lungsod at ginuho ang mga pinagtataguan nila.
41 Kaya lahat ng dumadaan sa kanyang kaharian ay nananamantala,
pinagsasamsam ang mga kagamitan sa lungsod.
Pinagtatawanan siya ng mga katabing bansa.
42 Pinagtagumpay nʼyo ang kanyang mga kaaway at pinasaya silang lahat.
43 Winalang kabuluhan ninyo ang kanyang mga sandata at ipinatalo siya sa labanan.
44 Winakasan nʼyo ang kanyang katanyagan pati na ang kanyang kapangyarihan bilang hari.
45 At dahil ditoʼy, nagmukha siyang matanda sa bata niyang edad.
Inilagay nʼyo siya sa kahihiyan.
46 Panginoon, hanggang kailan nʼyo kami pagtataguan?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong galit sa amin?
47 Alalahanin nʼyo kung gaano kaiksi ang buhay ng tao.
Alalahanin nʼyong nilikha nʼyo ang tao na may kamatayan.
48 Sinong tao ang hindi mamamatay?
Maiiwasan ba ng tao ang kamatayan?
49 Panginoon, nasaan na ang dati ninyong pag-ibig?
Ang pag-ibig na ipinangako nʼyo kay David ayon sa inyong katapatan sa kanya?
50 Alalahanin nʼyo, Panginoon, kung paanong hiniya ng maraming bansa ang iyong lingkod[c] at ito ay aking tiniis.
51 Ang mga kaaway nʼyo, Panginoon, ang siyang kumukutya sa pinili nʼyong hari, saan man siya magpunta.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen! Amen!
10 “Kapag sinabi mo sa mga tao ang mga bagay na ito at magtanong sila, ‘Ano ang nagawa naming kasalanan sa Panginoon naming Dios? Bakit kami binigyan ng babala ng Panginoon na darating sa amin ang ganoong kapahamakan?’ 11 Sabihin mo sa kanilang ito ang sagot ko: ‘Ginawa ko ito dahil itinakwil ako ng mga ninuno nila. Naglingkod at sumamba sila sa mga dios-diosan. Itinakwil nila ako at hindi nila sinunod ang kautusan ko. 12 At mas higit pa kayong masama kaysa sa mga ninuno ninyo. Ang kasamaan at katigasan ng mga puso nʼyo ang sinunod ninyo, sa halip na ako ang sundin ninyo. 13 Kaya palalayasin ko kayo sa lupaing ito patungo sa lupaing hindi nʼyo alam, ni ng mga ninuno ninyo. At doon, magpapakasawa kayo sa paglilingkod sa ibang dios araw at gabi, at hindi ko na kayo kahahabagan.’
14 “Darating ang araw na hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa Egipto!’ 15 Sa halip, sasabihin nila, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa bansang nasa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan niya sila pinangalat.’ Sapagkat ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila.
16 “Pero sa ngayon, padadalhan ko muna sila ng maraming kaaway na parang mga mangingisdang huhuli sa kanila. At magsusugo rin ako ng mga mangangaso na maghahanap sa kanila sa mga bundok, burol at mga kweba. 17 Nakita ko ang lahat ng pag-uugali nila. Wala kahit anuman na naitatago sa akin. Nakita ko rin ang mga kasalanan nila. 18 Kaya pagbabayarin ko sila nang doble sa kasamaan at kasalanan nila dahil dinungisan nila ang lupain ko sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at patay nilang mga dios-diosan.”
19 Sinabi ko, “O Panginoon, kayo po ang kalakasan at tagapagkalinga ko sa panahon ng pagdadalamhati. Lalapit po sa inyo ang mga bansa mula sa buong mundo[a] at sasabihin nila, ‘Walang kwenta ang mga dios-diosan ng aming mga ninuno. Wala silang nagawa na anumang kabutihan. 20 Ang tao baʼy makakagawa ng kanyang dios? Kung makakagawa siya, hindi iyon totoong Dios!’ ”
21 Sinabi ng Panginoon, “Kaya ngayon, ipapakita ko sa kanila ang kapangyarihan at kakayahan ko para malaman nila na ako nga ang Panginoon.”
Malaya na Tayo sa Kautusan
7 Mga kapatid, alam naman ninyo ang tungkol sa batas. Kaya nauunawaan ninyo na ang taoʼy nasasakop lamang ng batas habang nabubuhay siya. 2 Halimbawa, ayon sa batas, ang isang babaeng may asawa ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Pero kung namatay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. 3 Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya.
4 Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. 5 Noong namumuhay pa tayo sa dati nating pagkatao, ang masamang pagnanasa ang naghahari sa ating katawan, at pinukaw pa ng Kautusan, kaya gumawa tayo ng mga bagay na nakapagdudulot ng kamatayan. 6 Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ang ibig ko bang sabihin ay masama ang Kautusan? Aba, hindi! Sapagkat kung walang Kautusan hindi ko malalaman kung ano ang kasalanan. Halimbawa, kung hindi sinabi ng Kautusang, “Huwag kang maging sakim,”[a] hindi ko sana nalaman na masama pala ang pagiging sakim. 8 Ngunit ginamit ng kasalanan ang kautusang ito para pukawin sa akin ang lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, walang kapangyarihan ang kasalanan. 9 Noong una, nabuhay ako nang walang Kautusan. Pero nang malaman ko ang Kautusan, nalaman kong ako palaʼy makasalanan at nahatulan na ng kamatayan. 10 Kaya ang Kautusan na dapat sanaʼy magbibigay ng buhay ang siya pang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat ginamit ng kasalanan ang Kautusan para dayain ako, at dahil dito nahatulan ako ng kamatayan dahil hindi ko masunod ang Kautusan. 12 Pero sa kabila nito, banal pa rin ang Kautusan; ang bawat utos nito ay banal, matuwid at mabuti.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
6 Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. 3 Umakyat si Jesus at ang mga tagasunod niya sa isang bundok at naupo roon. 4 (Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel.) 5 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” 6 (Tinanong niya ito upang subukan si Felipe, kahit alam na niya ang kanyang gagawin.) 7 Sumagot si Felipe, “Sa dami po nila, ang walong buwan na sahod ng isang tao ay hindi sapat para pakainin ng kahit tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi naman ng isa sa mga tagasunod niyang si Andres na kapatid ni Pedro, 9 “May isang batang lalaki rito na may limang tinapay at dalawang isda. Pero kakasya ba naman ito sa dami ng tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Umupo naman ang mga tao dahil madamo sa lugar na iyon. Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga 5,000 na. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. 12 Pagkakain nila, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” 13 Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng 12 basket.
14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!” 15 Alam ni Jesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at muling umakyat nang mag-isa sa bundok.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®