Book of Common Prayer
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
9 Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
Awit ng Pasasalamat
136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
2 Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
3 Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
4 Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
5 Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
6 Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
7 Ginawa niya ang araw at ang buwan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
8 Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
9 Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ang Talinghaga tungkol sa Sinturon na Telang Linen
13 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Lumakad ka at bumili ng sinturon na telang linen. Itali mo ito sa baywang mo, pero huwag mong lalabhan.” 2 Kaya bumili ako ng sinturon at pagkatapos, itinali ko ito sa baywang ko ayon sa sinabi ng Panginoon.
3 Pagkatapos, sinabing muli sa akin ng Panginoon, 4 “Tanggalin mo ang sinturon na binili mo at pumunta ka malapit sa Ilog ng Eufrates[a] at itago mo roon ang sinturon sa biyak ng bato.” 5 Kaya pumunta ako sa may Ilog ng Eufrates at itinago ko roon ang sinturon ayon sa sinabi ng Panginoon.
6 Pagkaraan ng mahabang panahon, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa Ilog ng Eufrates at kunin mo ang sinturon na ipinatago ko sa iyo roon.” 7 Kaya pumunta ako sa Ilog ng Eufrates at kinuha ko ang sinturon sa pinagtaguan ko, pero sira na iyon at hindi na mapapakinabangan. 8-9 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Ganyan din ang mangyayari sa Juda na mapagmataas at sa higit na pagmamataas ng Jerusalem. 10 Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga dios-diosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan. 11 Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin. Hinirang ko sila para papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, para hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong gamitin ang alin mang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasalanan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Dios bilang mga taong binigyan ng bagong buhay. Ilaan ninyo sa Dios ang inyong katawan sa paggawa ng kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim na ng biyaya ng Dios.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa biyaya na ng Dios, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Aba, hindi! 16 Hindi nʼyo ba alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Pero kung sumusunod tayo sa Dios, mga alipin tayo ng Dios at ang dulot nitoʼy katuwiran. 17 Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Pero salamat sa Dios dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran.
19 Ginagamit ko bilang halimbawa ang tungkol sa mga alipin para madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan para maging banal kayo. 20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay. 21 Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong pamumuhay na ikinakahiya na ninyo ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan. 22 Pero pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Dios. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. 50 Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. 51 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” 52 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. 53 Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. 55 Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” 57 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” 58 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” 59 Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago[a] si Jesus at umalis sa templo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®