Book of Common Prayer
Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]
56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
Palagi nila akong pinahihirapan.
2 Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
O Kataas-taasang Dios.[b]
3 Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
4 O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
5 Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
6 Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
7 Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
8 Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
9 Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.
Dalangin para Tulungan ng Dios
57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
2 Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
3 Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
4 Napapaligiran ako ng mga kaaway,
parang mga leong handang lumapa ng tao.
Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
mga dilaʼy kasintalim ng espada.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
7 O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
8 Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
9 Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.
Mapapahamak ang Masasama
58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
2 Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
3 Ang masasama ay lumalayo sa Dios
at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
6 O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
7 Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
8 Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.
9 Mabilis silang tatangayin ng Dios,
maging ang mga nabubuhay pa,
mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[c]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”
Ang Parusa sa Masasamang Tao
64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
2 Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
3 Naghahanda sila ng matatalim na salita,
na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
4 Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
na parang namamana nang patago.
Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
5 Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
6 Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
7 Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
8 Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
9 At lahat ng tao ay matatakot.
Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.
Pagpupuri at Pagpapasalamat
65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
2 Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
3 Napakarami ng aming kasalanan,
ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
4 Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
ang inyong banal na templo.
5 O Dios na aming Tagapagligtas,
tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
6 Itinatag nʼyo ang mga bundok
sa pamamagitan ng inyong lakas.
Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
7 Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
ang hampas ng karagatan,
at ang pagkakagulo ng mga tao.
8 Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
Mula sa silangan hanggang kanluran,
ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
9 Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.
11 Pagkatapos, tinanong ako ng Panginoon, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Sanga po ng almendro.” 12 Sinabi ng Panginoon, “Tama ka, at nangangahulugan iyan na nagbabantay[a] ako para tiyaking matutupad ang mga sinabi ko.” 13 Muling nagtanong ang Panginoon sa akin, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang palayok po na kumukulo ang laman at nakatagilid ito sa gawing hilaga.” 14 Sinabi ng Panginoon, “Tama, sapagkat may panganib mula sa hilaga na darating sa lahat ng mamamayan sa lupaing ito. 15 Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang mga trono nila sa mga pintuan ng Jerusalem.[b] Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda. 16 Parurusahan ko ang mga mamamayan ko dahil sa kasamaan nila. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga dios-diosan. At sinamba nila ang mga dios-diosan na sila lang din ang gumawa. 17 Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila. 18 Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda. 19 Kakalabanin ka nila, pero hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
1 Mula kay Pablo na lingkod[a] ni Cristo Jesus.
Pinili at tinawag ako ng Dios na maging apostol upang ipangaral ang kanyang Magandang Balita. 2 Ang Magandang Balitang itoʼy ipinangako ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta at nakasulat sa Banal na Kasulatan. 3-4 Ang balitang itoʼy tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanyang pagkatao, isinilang siya sa lahi ni Haring David, at sa kanyang banal na espiritu,[b] napatunayang siya ang makapangyarihang Anak ng Dios, nang siyaʼy nabuhay mula sa mga patay. 5 Sa pamamagitan ni Cristo, tinanggap namin ang kaloob na maging apostol para madala namin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya ang mga tao sa lahat ng bansa. Ginagawa namin ito para sa kanya. 6 At kayong mga mananampalataya riyan sa Roma ay kabilang din sa kanyang mga tinawag na maging tagasunod ni Jesu-Cristo.
7 Sa inyong lahat diyan sa Roma na minamahal ng Dios at tinawag na maging banal,[c] sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Dahilan ng Pagpunta ni Pablo sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, dahil balitang-balita ang inyong pananampalataya sa buong mundo. 9 Palagi ko kayong idinadalangin, at alam ito ng Dios na buong puso kong pinaglilingkuran sa aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak. 10 Lagi ko ring idinadalangin na loobin sana ng Dios na makapunta ako riyan sa inyo. 11 Nananabik akong makita kayo para maipamahagi sa inyo ang mga espiritwal na kaloob na makakapagpatatag sa inyo. 12 Sa ganoon, magkakatulungan tayo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isaʼt isa.
13 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, pero laging may humahadlang. Nais kong pumunta riyan para mayroon din akong maakay sa pananampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa mga hindi Judio sa mga napuntahan kong lugar. 14 Sapagkat may pananagutan ako na mangaral sa lahat ng tao: sa mga may pinag-aralan man o wala, sa marurunong o hangal. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nais ko ring maipangaral ang Magandang Balita riyan sa inyo sa Roma.
27 Nang sandaling iyon, dumating ang mga tagasunod ni Jesus. Nagtaka sila nang madatnan nilang nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero wala ni isa man sa kanila ang nagtanong kung ano ang kailangan niya, at hindi rin sila nagtanong kay Jesus kung bakit nakikipag-usap siya sa babae.
28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga taga-roon, 29 “Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Maaaring siya na nga ang Cristo.” 30 Kaya pinuntahan ng mga tao si Jesus.
31 Samantala, pinapakiusapan ng mga tagasunod niya si Jesus na kumain na. 32 Pero sumagot si Jesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.” 33 Kaya nagtanungan ang mga tagasunod niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa. 35 Hindi ba sinasabi nʼyo na apat na buwan pa bago ang anihan? Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na. Tingnan nʼyo ang mga taong dumarating, para silang mga pananim sa bukid na hinog na at pwede nang anihin! 36 Kayong mga tagapag-ani ay tatanggap ng gantimpala mula sa Dios. At ang mga taong inaani ninyo ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Kaya magkasamang matutuwa ang nagtanim ng salita ng Dios at ang nag-ani. 37 Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba rin ang umaani.’ 38 Sinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang nagtanim ng salita ng Dios, at kayo ang umaani ng kanilang pinaghirapan.”
Maraming Samaritano ang Sumampalataya
39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa sinabi ng babae na alam ni Jesus ang lahat ng ginawa niya. 40 Kaya pagdating ng mga Samaritano kay Jesus, hiniling nila na manatili muna siya roon sa kanila. At nanatili nga siya sa kanila ng dalawang araw.
41 Dahil sa pangangaral niya, marami pa sa kanila ang sumampalataya. 42 Sinabi ng mga tao sa babae, “Sumasampalataya kami ngayon hindi lang dahil sa sinabi mo sa amin ang tungkol sa kanya, kundi dahil sa narinig namin mismo sa kanya. At alam naming siya nga ang Tagapagligtas ng mundo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®