Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:49-72

49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
    at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
    at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
    na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

57 Kayo lang Panginoon, ang tangi kong kailangan.
    Akoʼy nangangakong susundin ang inyong mga salita.
58 Buong puso akong nakikiusap sa inyo na ako ay inyong kahabagan ayon sa inyong pangako.
59 Pinag-isipan ko kung paano ako namuhay,
    at napagpasyahan kong sumunod sa inyong mga turo.
60 Agad kong sinunod ang inyong mga utos.
61 Kahit iginagapos ako ng masasama, hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
62 Kahit hatinggabi ay gumigising ako upang kayoʼy pasalamatan sa inyong matuwid na mga utos.
63 Akoʼy kaibigan ng lahat ng may takot sa inyo at sumusunod sa inyong mga tuntunin.
64 Panginoon, minamahal nʼyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.

65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
    dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
    ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
    ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
    dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.

72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.

Salmo 49

Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan

49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
    kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
Dakila ka man o aba,
    mayaman ka man o dukha, makinig ka,
dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
    at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
    at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.

Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
    o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
    at dahil dito ay nagmamayabang.
Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
    kahit magbayad pa siya sa Dios.
Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
    hindi sapat ang anumang pambayad
upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
    at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
    ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
    At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
    Doon sila mananahan,
    kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
    mamamatay din siya katulad ng hayop.
13 Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
    na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14 Silaʼy nakatakdang mamatay.
    Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan.[a]
    (Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
    Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
    malayo sa dati nilang tirahan.
15 Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
    mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
    Tiyak na ililigtas niya ako.

16 Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
    at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17 dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
    Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18 Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
    at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19 Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
    doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20 Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
    ay mamamatay katulad ng mga hayop.

Salmo 53

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 14)

53 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Dios.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
    samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
    Mailalagay sila sa kahihiyan,
    dahil itinakwil sila ng Panginoon.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Deuteronomio 9:13-21

13 “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito. 14 Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’

15 “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan. 16 At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya.[a] Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo. 17 Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.

18 “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya. 19 Natakot ako dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo dahil baka patayin niya kayo. Ngunit pinakinggan pa rin ako ng Panginoon. 20 Matindi rin ang galit ng Panginoon noon kay Aaron at gusto rin siyang patayin ng Panginoon, pero nanalangin din ako nang panahong iyon para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang bakang ginawa ninyo, na nagtulak sa inyo sa kasalanan, at tinunaw ko ito sa apoy. Dinurog ko ito na kasingpino ng alikabok at isinabog sa sapa na umaagos mula sa bundok.

Hebreo 3:12-19

12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay. 13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo. 14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas. 15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”[a] 16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya? 19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.

Juan 2:23-3:15

Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao

23 Habang si Jesus ay nasa Jerusalem, nang Pista ng Paglampas ng Anghel, marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginawa niya. 24 Pero hindi nagtiwala si Jesus sa pananampalataya nila, dahil kilala niya ang lahat ng tao. 25 At hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa mga tao, dahil alam niya kung ano ang nasa mga puso nila.

Tungkol sa Muling Kapanganakan

May isang taong nagngangalang Nicodemus. Isa siya sa mga pinuno ng mga Judio at kabilang sa grupo ng mga Pariseo. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Guro, alam naming isa kayong tagapagturo na mula sa Dios, dahil walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo, maliban kung sumasakanya ang Dios.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak na muli.”[a] Nagtanong si Nicodemus, “Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi na siya pwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak sa pamamagitan ng tubig at Banal na Espiritu. Ang ipinanganak sa pamamagitan ng tao ay may pisikal na buhay, ngunit ang ipinanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagkakaroon ng bagong buhay na espiritwal. Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na kailangang ipanganak kayong muli. Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Naririnig natin ang ihip nito, ngunit hindi natin alam kung saan nanggagaling o saan pupunta. Ganoon din ang sinumang ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.” Nagtanong si Nicodemus, “Paano pong mangyayari iyon?” 10 Sumagot si Jesus, “Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, pero hindi mo ito alam? 11 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang nalalaman at nasaksihan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap. 12 Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? 13 Walang sinumang nakapunta sa langit maliban sa akin na Anak ng Tao na nagmula sa langit.”

14 Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas,[b] 15 upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®