Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 55

Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan

55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
    naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
    Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
Nanginginig na ako sa sobrang takot.
At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
    para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”

Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
    Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
    Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
    Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
    Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
    Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
    at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
    kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
    at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
    Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
    at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
    ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
    at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
    Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
    sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
    Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.

Salmo 138:1-139:23

Pasasalamat sa Dios

138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
    Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
    Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
    dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
    dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
    At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
    Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
    Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
    Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
    Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.

Ang Karunungan at Kalinga ng Dios

139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
    Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
    Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
Lagi ko kayong kasama,
    at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
    hindi ko kayang unawain.
Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[b] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
    kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.

11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
    at ang gabi ay parang araw.
    Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.

13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
    Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
    Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
    Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
    itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
    Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.

19 O Dios, patayin nʼyo sana ang masasama!
    Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao!
20 Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo.
    Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo.
    Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo.
22 Labis ko silang kinamumuhian;
    ibinibilang ko silang mga kaaway.

23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko.
    Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.

Deuteronomio 11:18-28

18 Kaya panatilihin ninyo ang mga salita kong ito sa inyong pusoʼt isipan. Itali ninyo ito sa mga braso ninyo at ilagay sa inyong noo bilang paalala sa inyo. 19 Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon. 20 Isulat ninyo ito sa mga hamba ng inyong mga pintuan at sa pintuan ng inyong lungsod, 21 para kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal doon sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyong mga ninuno. Maninirahan kayo rito hanggaʼt may langit sa ibabaw ng mundo.

22 “Kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos na ibinibigay ko sa inyo, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mabuhay ayon sa kanyang pamamaraan at manatili sa kanya, 23 itataboy ng Panginoon ang mga tao sa lupain na inyong aangkinin kahit na mas malaki at mas makapangyarihan pa sila sa inyo. 24 Ang lahat ng lupang matatapakan ninyo ay magiging inyo: mula sa disyerto papunta sa Lebanon, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.[a] 25 Walang makakapigil sa inyo. Ayon sa ipinangako ng Panginoon na inyong Dios sa inyo, loloobin niyang matakot ang mga tao sa inyo saanmang dako kayo pumunta sa lugar na iyon. 26 Makinig kayo! Pinapapili ko kayo ngayon sa pagpapala o sa sumpa. 27 Pagpapalain kayo kung susundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 28 Susumpain ko kayo kung hindi ninyo susundin ang mga utos na ito ng Panginoon na ibinibigay ko sa inyo ngayon, at sumamba sa ibang mga dios na hindi naman ninyo kilala.

Hebreo 5:1-10

Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,

    “Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]

At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,

    “Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]

Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[c] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.

Juan 4:1-26

Si Jesus at ang Babaeng Taga-Samaria

1-2 Nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami na ang mga tagasunod ni Jesus kaysa kay Juan, at mas marami na ang nabautismuhan niya. (Kahit na hindi mismong si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga tagasunod niya.) Nang malaman ni Jesus na nabalitaan ito ng mga Pariseo, umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Para makabalik sa Galilea, kailangan niyang dumaan sa Samaria.

Nang dumadaan na sila sa Samaria, dumating sila sa isang bayan na tinatawag na Sycar, malapit sa lupaing ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. May balon doon na ginawa ni Jacob. Dahil tanghaling-tapat na noon at pagod na si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon para magpahinga. 7-8 Tumuloy naman ang mga tagasunod niya sa bayan upang bumili ng pagkain. Habang nakaupo si Jesus, dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede bang makiinom?” Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Judio at ako ay Samaritano, at babae pa.[a] Bakit po kayo makikiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.) 10 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Dios, at kung sino ang nakikiinom sa iyo, baka ikaw pa ang manghingi sa akin para bigyan kita ng tubig na nagbibigay-buhay.” 11 Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Higit pa po ba kayo sa ating ninuno na si Jacob na humukay ng balong ito? Siya at ang mga anak niya, pati ang mga hayop niya ay dito umiinom noong araw.” 13 Sumagot si Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, 14 pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumarito para umigib.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka muna at isama mo rito ang iyong asawa.” 17 “Wala po akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa, 18 dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo tunay na asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.” 19 Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta. 20 Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Dios sa bundok na ito, pero kayong mga Judio ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maniwala ka sa akin; darating ang panahon na hindi na kayo sasamba sa Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Kayo na mga Samaritano ay hindi nakakakilala sa sinasamba ninyo. Ngunit kilala naming mga Judio ang aming sinasamba, dahil sa pamamagitan namin ay ililigtas ng Dios ang mga tao. 23 Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. 24 Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesias na tinatawag ding Cristo. At pagdating niya, ipapaliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Akong nagsasalita sa iyo ngayon ang tinutukoy mo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®