Book of Common Prayer
Ang Dios ang ating Hari
93 Kayo ay hari, Panginoon;
nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
2 Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
naroon na kayo noon pa man.
3 Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
4 Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
5 Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.
Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)
96 Kayong mga tao sa buong mundo,
umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
2 Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
3 Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
4 Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
5 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
6 Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
7 Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
9 Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
9 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”
10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig. 11 Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.”
Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda. 12 Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
13 “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin. 14 Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman. 15 Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Katawan Ninyo ay Templo ng Banal na Espiritu
12 Maaaring may magsabi sa inyo ng ganito, “Pwede kong gawin ang kahit ano.” Totoo iyan, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakabuti sa inyo. Kaya kahit pwede kong gawin ang kahit ano, hindi naman ako paaalipin dito. 13 Maaari rin namang sabihin ng iba, “Ang pagkain ay ginawa para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit darating ang araw na pareho itong sisirain ng Dios. Ang katawan ay hindi para sa sekswal na imoralidad kundi para sa paglilingkod sa Dios; at ang Dios ang nag-iingat nito. 14 Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Dios sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.
15 Hindi baʼt tayong mga mananampalataya ay bahagi ng katawan ni Cristo? Iyan ang dahilan kung bakit hindi talaga natin maaaring gamitin ang ating katawan, na bahagi ng katawan ni Cristo, sa pakikipagtalik sa babaeng bayaran. 16 Hindi baʼt ang nakikipagtalik sa ganoong babae ay nagiging kaisang-katawan niya? Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Silang dalawaʼy magiging isa.”[a] 17 At kung nakikipag-isa tayo sa Panginoong Jesu-Cristo kaisa niya tayo sa espiritu.
18 Kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Ang ibang kasalanang ginagawa ng tao ay walang kinalaman sa kanyang katawan, ngunit ang gumagawa ng sekswal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 19 Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Dios? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Dios, 20 dahil tinubos kayo ng Dios sa napakalaking halaga. Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa paraang ikapupuri ng Dios.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
5 Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, 3 at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. 4 Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. 5 Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.
6 Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7-8 Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12 Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13 Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20 Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis,[b] ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®