Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 68:1-20

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
    tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
    kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
    gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
    magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
    oo, magalak nawa sila sa kasayahan!

Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
    magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
    magalak kayo sa kanyang harapan.

Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
    ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
    kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
    ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
    nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
ang(A) lupa ay nayanig,
    ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
    ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
    iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
    sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.

11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
    malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12     “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13     kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
    ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
    ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.

15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
    bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
    sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
    oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
    samakatuwid ay libu-libo.
    Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
    pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
    tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
    na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
    samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
    at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.

2 Mga Hari 2:1-15

Si Elias ay Iniakyat sa Langit

Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.

Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.

Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”

Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.

Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”

At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.

Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.

At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.

Nang(A) sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”

10 Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”

11 Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.

12 Iyon(B) ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.

13 Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan.

14 Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid.

Si Elias ay Hinanap Ngunit Hindi Nakita

15 At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, “Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo.” Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.

Apocalipsis 5

Ang Aklat at ang Kordero

At(A) nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat[a] na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.

At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, “Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?”

At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito.

Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito.

At(B) sinabi sa akin ng isa sa matatanda, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito.”

Pagkatapos(C) ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig.

Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono.

Pagkakuha(D) niya sa aklat, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero, na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na punô ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal.

At(E) sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi,

“Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat
    at magbukas ng mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos
    ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.
10 At(F) sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos;
    at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa.”

11 Nakita(G) ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo,

12 na nagsasabi ng may malakas na tinig,

“Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan.”

13 At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi,

“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.

14 At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi, “Amen!” At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001