Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2 Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3 Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
4 Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
5 Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
6 Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
7 Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
8 Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
9 Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.
31 “Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot.
32 Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso.
33 Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad.
34 Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito.
35 Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa.
Ibinigay ang Kahulugan ng Panaginip ng Hari
36 “Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito.
37 Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian;
38 at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto.
39 Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa.
40 At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kanyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito.
41 Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad.
42 Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok.
43 Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad.
44 At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman.
45 Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan.”
Si Daniel ay Ginantimpalaan ng Hari
46 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kanya.
47 Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, “Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito.”
48 Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong-tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia.
49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kanyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan[a] ng hari.
Ang Anti-Cristo
18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.
19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.
20 Ngunit kayo'y pinahiran[a] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.
21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.
22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.
23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.
24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.
25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.
26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.
27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[b] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.
28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.
29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka[a] sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia,
2 Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang.
3 Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
4 Gaya(B) ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
5 Bawat libis ay matatambakan,
at bawat bundok at burol ay papatagin,
at ang liko ay tutuwirin,
at ang mga baku-bakong daan ay papantayin.
6 At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.’”
7 Kaya't(C) sinabi ni Juan[b] sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating?
8 Kaya't(D) mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham.
9 Ngayon(E) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy.”
10 Tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”
11 Sumagot siya sa kanila, “Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin.”
12 Dumating(F) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”
13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo.”
14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, anong dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001