Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 38

Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
    ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
    at pumisil sa akin ang kamay mo.

Walang kaginhawahan sa aking laman
    dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
    dahil sa aking kasalanan.
Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
    ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.

Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
    dahil sa aking kahangalan.
Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
    ako'y tumatangis buong araw.
Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
    at walang kaginhawahan sa aking laman.
Nanghihina at bugbog ako;
    ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.

Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
    ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
    at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
    at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
    silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
    at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.

13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
    gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
    at walang pangangatuwiran sa aking bibig.

15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
    ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
    na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”

17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
    at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
    ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
    at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
    ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.

21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
    O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
    O Panginoon, aking kaligtasan!

Mga Awit 119:25-48

DALETH.

25 Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko;
    muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita.
26 Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako;
    ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
27 Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo,
    at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo.
28 Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan;
    palakasin mo ako ayon sa iyong salita!
29 Ilayo mo sa akin ang mga maling daan;
    at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan!
30 Ang daan ng katapatan ay pinili ko,
    ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko.
31 Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O Panginoon;
    sa kahihiyan ay ilayo mo ako!
32 Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo,
    kapag iyong pinalaki ang puso ko!

HE.

33 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang daan ng iyong mga batas,
    at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas.
34 Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo,
    at akin itong susundin ng buong puso ko.
35 Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo,
    sapagkat aking kinaluluguran ito.
36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
    at huwag sa pakinabang.
37 Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan;
    at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan.
38 Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo,
    na para sa mga natatakot sa iyo.
39 Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan;
    sapagkat ang mga batas mo'y mainam.
40 Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan,
    bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.

VAU.

41 O Panginoon, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo,
    ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako;
42 sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta,
    sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko,
    sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo.
44 Lagi kong susundin ang iyong kautusan,
    magpakailanpaman.
45 At lalakad ako na may kalayaan;
    sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan.
46 Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari,
    at hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y natutuwa sa iyong mga utos,
    na aking iniibig.
48 Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko,
    at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo.

Daniel 5:1-12

Ang Handaan ni Belshasar

Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.

Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.

Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.

Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.

Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.

Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.

Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”

Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.

Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.

10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.

11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,

12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”

1 Juan 5:1-12

Ang Ating Tagumpay sa Sanlibutan

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang[a] ay umiibig din naman sa anak.

Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos.

Sapagkat(A) ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.

Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.

Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos?

Ang mga Patotoo sa Anak ng Diyos

Ito ang siyang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo, si Jesu-Cristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.

Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[b]

ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlo ay nagkakaisa.

Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay higit na dakila ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na siya'y nagpapatotoo tungkol sa kanyang Anak.

10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kanyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawa siyang sinungaling, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.

11 At(B) ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak.

12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.

Lucas 4:38-44

Pinapagaling ni Jesus ang Maraming Tao(A)

38 Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus[a] para sa kanya.

39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila.

40 Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling.

41 Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(B)

42 Kinaumagahan, umalis siya at nagtungo sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng napakaraming tao, at lumapit sa kanya. Nais nilang pigilin siya upang huwag niyang iwan sila.

43 Subalit sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang magandang balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay sinugo para sa layuning ito.”

44 Kaya't siya'y patuloy na nangaral sa mga sinagoga ng Judea.[b]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001