Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 24

Awit ni David.

24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
    ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
    at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.

Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
    na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
    at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
    at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
    na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
    ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon ng mga hukbo,
    siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)

Mga Awit 29

Awit ni David.

29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
    mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
    sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
    ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
    ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
    ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
    binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
    at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
    niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.

Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
    at hinuhubaran ang mga gubat;
    at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”

10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
    ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
    Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!

Mga Awit 8

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!

Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
    mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
    upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.

Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
    ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
    at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?

Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
    at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
    sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
lahat ng tupa at baka,
    gayundin ang mga hayop sa parang,
ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
    anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!

Mga Awit 84

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Error: 'Karunungan ni Solomon 7:22-8:1' not found for the version: Ang Biblia, 2001
2 Tesalonica 2:13-17

Hinirang para sa Kaligtasan

13 Ngunit kami ay dapat laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sapagkat hinirang kayo ng Diyos bilang unang bunga sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan.

14 Dito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y manindigang matibay at inyong panghawakan ang mga tradisyon na sa inyo'y itinuro namin, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat mula sa amin.

16 Ngayon, ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama na umibig sa atin at nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,

17 ang umaliw sa inyong mga puso, at patibayin kayo sa bawat mabuting gawa at salita.

Mateo 7:7-14

Humingi, Humanap, Tumuktok(A)

“Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan.

Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.

Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay?

10 O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas?

11 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya?

Ang Ginintuang Aral

12 “Kaya,(B) anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.

Ang Makipot na Pintuan(C)

13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon.

14 Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001