Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.
2 At sa aking piniling takdang panahon,
may katarungan akong hahatol.
3 Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
5 huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”
6 Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
ni mula man sa ilang ang pagkataas;
7 kundi ang Diyos ang hukom,
ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
8 Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
tunay na ang masasama sa lupa
ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
9 Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
2 Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
3 Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)
4 Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
kaysa mga bundok na walang hanggan.
5 Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
ang makagamit ng kanilang mga kamay.
6 Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7 Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
Sinong makakatayo sa iyong harapan,
kapag minsang ang galit ay napukaw?
8 Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9 nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)
10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.
Awit ni David.
23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
2 pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
3 Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
alang-alang sa kanyang pangalan.
4 Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
inaaliw ako ng mga ito.
5 Ipinaghahanda mo ako ng hapag
sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
umaapaw ang aking saro.
6 Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
magpakailanman.[a]
Awit ni David.
27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
sino ang aking kasisindakan?
2 Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
sila'y matitisod at mabubuwal.
3 Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
gayunman ako'y magtitiwala pa rin.
4 Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
at sumangguni sa kanyang templo.
5 Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.
6 At ngayo'y itataas ang aking ulo
sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.
7 Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
8 Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
“Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
9 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.
Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
O Diyos ng aking kaligtasan!
10 Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.
11 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
akayin mo ako sa patag na landas
dahil sa aking mga kaaway.
12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
at sila'y nagbubuga ng karahasan.
13 Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
sa lupain ng mga nabubuhay!
14 Maghintay ka sa Panginoon;
magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
oo, maghintay ka sa Panginoon!
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.
2 Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.
3 Sapagkat(A) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”
4 Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
5 Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,
6 upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Ebanghelyo sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,
9 at(B) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,
“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(C) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(D) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(E) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
sa kanya aasa ang mga Hentil.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)
9 Pagkatapos ay tinipon ni Jesus[a] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit.
2 Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit.
3 At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika.
4 Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo.
5 Saanman(B) (C) kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila.”
6 At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar.
Naguluhan si Herodes(D)
7 Nabalitaan(E) noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay,
8 at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon.
9 Sinabi ni Herodes, “Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?” At pinagsikapan niyang makita si Jesus.[b]
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Tao(F)
10 Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus[c] ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida.
11 Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling.
12 Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako.”
13 Subalit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila, “Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.”
14 Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa.”
15 Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat.
16 At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.
17 Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001