Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 20-21

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
    Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
    at alalayan ka mula sa Zion!
Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
    at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)

Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
    at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
    at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!

Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
    sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
    na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
    ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
Sila'y mabubuwal at guguho,
    ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.

Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
    sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
    at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
    at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
    pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
    haba ng mga araw magpakailanman.
Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
    ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
    iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
    at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
    ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
    kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
    at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
    at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
    kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
    iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.

13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
    Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Mga Awit 110

Awit ni David.

110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
    “Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”

Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
    Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
    sa araw ng iyong kapangyarihan
    sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
    ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
    “Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
    dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
    kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
    kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.

Mga Awit 116-117

116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
    ang aking tinig at aking mga hiling.
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
    kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
    ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
    ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
    “O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”

Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
    oo, ang Diyos namin ay maawain.
Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
    ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
    sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
    ang mga mata ko sa mga luha,
    ang mga paa ko sa pagkatisod;
Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
    sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
    “Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
    “Lahat ng tao ay sinungaling.”

12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
    sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
    ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
    ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
    iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
    sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Bilang Pagpupuri sa Panginoon

117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
    Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
    at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!

Daniel 3:19-30

Ang Tatlong Kaibigan ni Daniel ay Nahatulang Mamatay

19 Kaya't napuno ng galit si Nebukadnezar, at ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago laban kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Siya'y nagsalita at iniutos na painitin ang hurno ng pitong ulit na higit kaysa dating init nito.

20 Kanyang inutusan ang ilang magigiting na mandirigma mula sa kanyang hukbo na gapusin sina Shadrac, Meshac, at Abednego, at sila'y ihagis sa hurno ng nagniningas na apoy.

21 Ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may ibang mga kasuotan, at sila'y inihagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.

22 Sapagkat ang utos ng hari ay pang-madalian at ang hurno ay lubhang pinainit, pinatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking bumuhat kina Shadrac, Meshac, at Abednego.

23 Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.

24 Kaya't ang haring si Nebukadnezar ay nagtaka at nagmamadaling tumindig. Sinabi niya sa kanyang mga tagapayo, “Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy?” Sila'y sumagot sa hari, “Totoo, O hari.”

25 Siya'y sumagot, “Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos.”

26 Nang magkagayo'y lumapit si Nebukadnezar sa pintuan ng hurno ng nagniningas na apoy at sinabi, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo at pumarito kayo!” Kaya't sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay lumabas mula sa kalagitnaan ng apoy.

27 At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang, ni nasunog man ang kanila mga suot, ni nag-amoy apoy man sila.

Nagbago ang Isip ng Hari

28 Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya. Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.

29 Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan.”

30 Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.

1 Juan 3:11-18

Mag-ibigan sa Isa't isa

11 Sapagkat(A) ito ang mensahe na inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa't isa,

12 na(B) hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinaslang ang kanyang kapatid. At bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang kanyang mga gawa ay masasama at ang mga gawa ng kanyang kapatid ay matutuwid.

13 Mga kapatid, huwag kayong magtaka, kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan.

14 Nalalaman(C) nating tayo'y dumaan na mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang isa't isa. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan.

15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay hindi nananatili sa sinumang mamamatay-tao.

16 Dito natin nakikilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid.

17 Subalit ang sinumang may mga pag-aari sa sanlibutang ito, at nakikita ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagsasarhan niya ito ng kanyang damdamin, paanong nananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kanya?

18 Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila kundi sa gawa at sa katotohanan.

Lucas 4:1-13

Tinukso si Jesus(A)

Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang,

na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya.

Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.”

At(B) sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’”

Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo[a] sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.

At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig.

Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.”

At(C) sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”

Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito,

10 sapagkat(D) nasusulat,

‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel
    na ikaw ay ingatan,’

11 at,

‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay,
    baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’

12 At(E) sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”

13 Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001