Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.
51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin mo ako sa aking kasalanan.
3 Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
4 Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
at walang dungis sa iyong paghatol.
5 Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.
6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
7 Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
8 Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.
10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.
18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
3 Kung(A) kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.
2 Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa,
3 sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.
4 Kapag si Cristo na inyong[a] buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.
5 Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan.
6 Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.[b]
7 Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito.
8 Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig.
9 Huwag(B) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito,
10 at(C) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.
11 Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di-tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat!
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(A)
7 Nang matapos na ni Jesus[a] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang senturion[b] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3 Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4 Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7 kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8 Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[c] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[d] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001