Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 90

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
    sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
    mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.

Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
    parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
    minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
    pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.

11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
    Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Isaias 65:15-25

15 Ang pangalan ninyo'y susumpain ng aking mga hinirang,
    sa kamay ng Panginoong Yahweh kayo'y mamamatay,
    samantalang bibigyan niya ng bagong pangalan ang kanyang mga lingkod.
16 Sinuman sa lupain ang nais na pagpalain,
    doon siya humingi sa Diyos na matapat.
At sinuman ang gustong mangako,
    sa pangalan ng Diyos na matapat, gawin niya ito.
Mapapawi na at malilimutan,
    ang hirap ng panahong nagdaan.”

Bagong Langit at Lupa

17 Ang(A) sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit;
ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan.
18 Kaya naman kayo'y dapat na magalak sa aking ginawa,
ang Jerusalem na aking nilikha ay mapupuno ng saya,
    at magiging masaya ang kanyang mamamayan.
19 Ako(B) mismo'y magagalak
    dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo'y wala nang pagtangis o panaghoy man.
20 Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay,
    lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na,
    at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa.
21 Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
    magtatanim sila ng ubas at sila rin ang aani.
22 Hindi tulad noong una, sa bahay na ginawa'y iba ang tumira.
    Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang.
Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hirang,
    lubos nilang papakinabangan ang kanilang pinagpaguran.
23 Anumang gawaing paghirapan nila'y tiyak na magbubunga,
    at hindi magdaranas ng mga sakuna ang mga anak nila;
pagpapalain ko ang lahi nila,
    at maging ang mga susunod pa.
24 Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin,
    at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
25 Dito'y(C) magsasalong parang magkapatid, ang asong-gubat at tupa,
    ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
    At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo'y hindi ka mangangamba.
Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok.
    Sa Bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama.”

Pahayag 21:1-6

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.