Book of Common Prayer
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
4 Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[b]
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[c]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos
115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2 Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3 Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4 Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5 Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6 di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7 Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8 Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
9 Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.
14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.
Purihin si Yahweh!
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(C) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(E) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Ang Sanlibong Taon
20 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng napakalalim na hukay. 2 Sinunggaban(A) niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong (1,000) taon. 3 Ito'y inihagis ng anghel sa napakalalim na hukay, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.
4 At(B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong (1,000) taon. 5 Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay hindi nabuhay hanggang hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. 6 Pinagpala at ibinukod para sa Diyos ang nakasama sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan, sa halip, sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong (1,000) taon.
Ang Pagkatalo ni Satanas
7 Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. 8 Lalabas(C) siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. 9 Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.
Mga Saksi para kay Jesus
30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(A) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(B) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(C) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(D) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.
41 “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.