Book of Common Prayer
Pananabik sa Presensya ng Diyos
Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
2 Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
5 Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
7 ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
9 Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
6 Manangis(A) kayo sapagkat malapit na ang araw ni Yahweh,
darating na ang araw ng pangwawasak ng Diyos na Makapangyarihan.
7 Sa araw na iyon, manghihina ang lahat ng kamay.
Manlulupaypay ang lahat ng tao,
8 ang lahat ng tao'y masisindak,
at manginginig sa takot,
makadarama sila ng paghihirap, tulad ng isang babaing manganganak.
Matatakot sila sa isa't isa;
mamumula ang kanilang mukha dahil sa kahihiyan.
9 Dumarating na ang araw ni Yahweh,
malupit ito at nag-aalab sa matinding poot,
upang wasakin ang lupain
at ang masasama ay lipulin.
10 Hindi(B) na magniningning
ang liwanag ng mga bituin sa kalangitan,
magiging madilim ang araw sa pagsikat,
pati ang buwan ay hindi na magsasabog ng liwanag.
11 “Paparusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito,
at ang masasama dahil sa kanilang kasalanan;
wawakasan ko na ang pagmamataas ng mga palalo,
at puputulin ko na ang kayabangan ng mga walang awa.
12 Kaunti lamang ang ititira kong tao
at magiging mahirap pa silang hanapin kaysa gintong lantay na galing sa Ofir.
13 Kaya nga yayanigin ko ang kalangitan,
at ang lupa ay malilihis sa kinalalagyan nito,
sa araw na isinabog ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang kanyang matinding poot.
18 Hindi(A) kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. 19 Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, 20 sapagkat(B) hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” 21 Talagang(C) nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon[a] ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
25 Kaya't(D) huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil(E) sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27 Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.
28 Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, 29 sapagkat(F) tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok.
Si Jesus at si Juan
22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi(A) pa noon nabibilanggo si Juan.
25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio[a] tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!”
27 Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo(B) mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.