Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 66-67

Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat

Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.

66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
    Awitan siya't luwalhatiin siya!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
    “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
    yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
    awit ng papuri yaong kinakanta;
    ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]

Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
    ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
    mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
Makapangyarihang hari kailanman,
    siya'y nagmamasid magpakailanman;
    kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]

Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
    inyong iparinig papuring malugod.

Iningatan niya tayong pawang buháy,
    di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
    sinubok mo kami upang dumalisay;
    at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
    at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
    sinubok mo kami sa apoy at baha,
    bago mo dinala sa dakong payapa.

13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
    ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
    ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
    mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]

16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
    at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
    kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
    di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
    sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
    pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
    at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Awit ng Pagpapasalamat

Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
    kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[d]
upang sa daigdig mabatid ng lahat
    ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
    pagkat matuwid kang humatol sa madla;
    ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[e]

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
    purihin ka nila sa lahat ng dako.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
    pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!

Magpatuloy nawa iyong pagpapala
    upang igalang ka ng lahat ng bansa.

Mga Awit 116-117

Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan

116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
    dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
    kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
    nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
    lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
    at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.

Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
    Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
    noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
    pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.

Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
    tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
    doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging(A) buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
    bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
    “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”

12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
    sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
    bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
    ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
    kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
    katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
    ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
    sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
    ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Purihin si Yahweh!

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

117 Purihin(B) si Yahweh!

Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.

Purihin si Yahweh!

Isaias 11:10-16

Ang Pagbabalik ng mga Itinapon

10 Sa(A) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
    at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
    upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia,[a] sa Elam,
    sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
    at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
    mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
    at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
    at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
    at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
    at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin(B) ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
    upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
    na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
    para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
    nang sila'y umalis mula sa Egipto.

Pahayag 20:11-21:8

Ang Paghuhukom

11 Pagkatapos(A) nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay[a] ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay.[b] Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos(B) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At(C) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig(D) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At(E) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(F) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito(G) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”

Lucas 1:5-25

Ang Pahayag tungkol sa Pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo

Noong(A) panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio na kabilang sa pangkat ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa sila matanda na.

Isang araw, nanunungkulan ang pangkat na kinabibilangan ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Nagpakita sa kanya doon ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna(C) siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”

19 Sumagot(D) ang anghel, “Ako'y si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”

21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elizabeth. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elizabeth, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.