Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 31

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
    huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
    iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
    matibay na kuta para sa aking kaligtasan.

Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
    ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
    laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
    ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
Matutuwa ako at magagalak,
    dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
    alam mo ang aking pagdurusa.
Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
    binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.

O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
    sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
    buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
    dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
    pati mga buto ko'y naaagnas na rin.

11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
    hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
    kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
    parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
    mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
    plano nilang ako ay patayin.

14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
    ikaw ang aking Diyos na dakila!

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
    huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
    sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
    ang mga palalong ang laging layunin,
    ang mga matuwid ay kanilang hamakin.

19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
    na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
    matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
    laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
    upang hindi laitin ng mga kaaway.

21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
    nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
    sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
    nang ang iyong tulong ay aking hingin.

23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
    ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
    kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.

Mga Awit 35

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
Ang iyong kalasag at sandatang laan,
    kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
    at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!

Silang nagnanasang ako ay patayin
    ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
    hadlangan mo sila at iyong lituhin.
Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
    habang tinutugis ng sinugong anghel.
Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
    ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
    ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
Hindi nila alam sila'y mawawasak,
    sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
    sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.

Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
    sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
    “Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
    Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
    at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”

11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
    at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
    nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
    nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14     Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
    wari'y inulila ng ina kong mahal.

15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
    sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
    halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
    sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.

17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
    Iligtas mo ako sa ganid na leon;
    sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
    pupurihin kita sa harap ng bayan.

19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
    magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
    magalak sa aking mga kalumbayan.

20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
    kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
    at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
    “Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
    kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
    ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
    iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
    huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
    at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
    “Siya ay nagapi namin sa labanan!”

26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
    lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
    hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
    bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
    sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”

28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
    sa buong maghapon ay papupurihan!

Isaias 7:10-25

Ang Palatandaan ng Emmanuel

10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”

13 At sinabi ni Isaias:

“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
    at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(A) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[a]
    at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
    at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[b]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
    kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
    at gumawa ng mabuti,
    ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
    ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
    mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
    na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
    at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
    sa mga lungga ng malalaking bato,
    at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
    ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
    at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
    ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
    ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
    na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
    ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
    sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
    sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”

2 Tesalonica 2:13-3:5

Hinirang Upang Maligtas

13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya[a] upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat.

16 Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. 17 Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa at salita.

Ipanalangin Ninyo Kami

Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at parangalan ng lahat, tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong mapaminsala at masasama, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos.

Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo.

Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan ang pag-ibig ng Diyos at ang katatagang nagmumula kay Cristo.

Lucas 22:14-30

Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon(A)

14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”

17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.”

19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Gayundin(B) naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo].[a]

21 “Ngunit(C) kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya.” 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.

Ang Pinakadakila

24 Nagtalu-talo(D) rin ang mga alagad kung sino sa kanila ang dapat kilalaning pinakadakila. 25 Kaya't(E) sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinipilit ng mga hari ng mga Hentil na sila'y ituring na panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. 26 Ngunit(F) hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sino(G) ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.

28 “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. 29 Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. 30 Kayo'y(H) kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.