Book of Common Prayer
Ang Dakilang Hari
Awit ni David.
24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
4 Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Ang Lingkod ni Yahweh
42 Sinabi(A) (B) ni Yahweh,
“Narito ang lingkod ko na aking hinirang;
ang aking pinili at lubos na kinalulugdan;
ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.
2 Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan.
3 Ang marupok na tambo'y hindi niya babaliin,
ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin;
katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin.
4 Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob,
hangga't katarungan ay maghari sa daigdig;
ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.”
5 Ang(C) Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,
6 “Akong(D) si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,
binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,
at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.
7 Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.
8 Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan;
walang makakaangkin ng aking karangalan;
ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
9 Ang mga dating pahayag ko ay natupad na.
Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.”
Awit ng Pagpupuri sa Diyos
10 Umawit kayo ng isang bagong awit para kay Yahweh,
ang buong daigdig sa kanya ay magpuri!
Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag;
kayong lahat na nilalang sa karagatan!
Umawit kayong lahat na nasa malalayong kapuluan.
11 Kayo ay magdiwang, kayong nasa disyerto, at sa mga bayan,
mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang;
mga taga-Sela, kayo'y mag-awitan,
kayo ay umakyat sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw sa kagalakan.
12 Kayong nasa malalayong lupain,
purihin ninyo si Yahweh at parangalan.
Mga Sandatang Kaloob ng Diyos
10 Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. 11 Isuot(A) ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. 13 Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo.
14 Kaya't(B)(C) maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; 15 isuot(D) ninyo ang sapatos ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. 16 Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. 17 Isuot(E) ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. 18 Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. 19 Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. 20 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.
16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.