Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 55

Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan

Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
    mga daing ko ay huwag namang layuan.
Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
    sa bigat ng aking mga suliranin.
Sa maraming banta ng mga kaaway,
    nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
    namumuhi sila't may galit ngang tunay.

Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
    sa aking takot na ako ay pumanaw.
Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
    sinasaklot ako ng sindak na labis.
Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
    hahanapin ko ang dakong panatag.
Aking liliparin ang malayong lugar,
    at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
Ako ay hahanap agad ng kanlungan
    upang makaiwas sa bagyong darating.”

Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
    yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
    araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
    pati pang-aapi ay nasasaksihan.

12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
    kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
    kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
    aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
    at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
    ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.

16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
    aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
    Aking itataghoy ang mga hinaing,
    at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
    at pababaliking taglay ang tagumpay,
    matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
    ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
    ayaw nang magbago at magbalik-loob.

20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
    at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
    ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
    ngunit parang tabak ang talas at tulis.

22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
    aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
    ang taong matuwid, di niya bibiguin.

23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
    O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
    Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.

Mga Awit 138:1-139:23

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David.

138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
    sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
    pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
    ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
    sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
    pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
    at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
    hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
    kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
    ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
    ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
    ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
    at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
    ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
    kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
    ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
    alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
    ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
    di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
    Sa iyo bang Espiritu,[a] ako ba'y makakaiwas?
Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
    sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
    o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10 tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
    matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11 Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
    padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12 maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
    at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
    madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

19 Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
    at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20 Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
    at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21 Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
    ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22 Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
    sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.

23 O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
    subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;

Isaias 10:20-27

Ang Pagbabalik ng mga Natirang Sambahayan ng Israel

20 Sa araw na iyon ang matitira sa bansang Israel at Juda ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh lamang, sa Banal na Diyos ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan. 21 Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan, 22 sapagkat(A) kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makakabalik. Nakatakda na ang pagwasak sa iyo ayon sa nararapat. 23 Sa takdang panahon, ang buong bansa ay wawakasan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.

24 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “O bayan kong naninirahan sa Zion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto. 25 Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibabaling ang aking poot. 26 At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Midianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko sa mga taga-Egipto. 27 Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang pahirap na ginagawa ng Asiria at wawasakin na ang pamatok sa iyong leeg.”

Sumalakay siya buhat sa Rimon.

Judas 17-25

Mga Babala at mga Payo

17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon(A) pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.

20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.

22 Kaawaan[a] ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.

Bendisyon

24 Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.

Lucas 3:1-9

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa(B) gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
    Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!
Matatambakan ang bawat libis,
    at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Magiging tuwid ang daang liku-liko,
    at patag ang daang baku-bako.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’”

Kaya't(C) sinabi ni Juan sa maraming taong lumapit sa kanya upang magpabautismo, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa poot na darating? Ipakita(D) ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. Ngayon(E) pa ma'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.