Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 80

Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.

80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
    mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
    sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Ibalik mo kami, O Diyos,
    at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
    Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
    luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
    iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
    sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
    doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
    mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
    pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
    pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
    kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.

14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
    Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
    at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
    yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
    sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
    iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
    kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

Mga Awit 146-147

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan

147 Purihin si Yahweh!

O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
    ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
    sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
    ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.

Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
    isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
    taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
    ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.

Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
    purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
    itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
    sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
    pinapakain nga niya nagugutom na inakay.

10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
    kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
    sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.

12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
    Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
    ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
    sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.

15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
    dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
    para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
    lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
    umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.

19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
    ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
    pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.

Purihin si Yahweh!

Isaias 29:13-24

13 Sasabihin(A) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
    at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
    subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(B) muli akong gagawa
    ng kababalaghan sa harapan nila,
    mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
    at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”

Ang Pag-asa sa Hinaharap

15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
    Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
    upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(C) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
    “Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
    “Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?

17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
    at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
    at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
    ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
    makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
    at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
    gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
    mga sinungaling na saksi
    at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.

22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
    tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
    ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
    na ginawa kong dakilang bansa,
    makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
    at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”

Pahayag 21:22-22:5

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(A) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(B) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(C) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.

22 Ipinakita(D) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at(E) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala(F) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.

Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y(G) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.

Lucas 1:39-48

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabeth

39 Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa bulubundukin ng Juda. 40 Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw(A) siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At(B) sinabi ni Maria,

“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47     at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48     sapagkat(C) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;

Lucas 1:48-56

48     sapagkat(A) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49     dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(B) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
    at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(C) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
    kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”

56 Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.