Book of Common Prayer
Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.
89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
2 Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.
3 “Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
4 ‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)
5 Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
6 Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
7 isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
9 Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
ang aming hari sa Banal ng Israel.
19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
“Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)
38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)
46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.
Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan
14 Kaya't akin siyang aakitin,
at dadalhin siya sa ilang,
at malambing ko siyang kakausapin.
15 At(A) doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
16 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”
17 Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
18 Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.
19 At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.
20 Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.
21 Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
ako'y sasagot sa langit,
at sila'y sasagot sa lupa;
22 at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
at sila'y sasagot sa Jezreel.
23 At(B) aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”
Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso
17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.
18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,
“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,
19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.
20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[a] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;
23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.
24 Ngunit(A) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.
25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.
26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[b]
27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[c] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[d] na binili niya ng kanyang sariling dugo.
29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;
30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.
32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.
33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.
34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.
35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
36 Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.
37 At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,
38 na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang(B) sinisiksik si Jesus[a] ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat.
3 Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao.
4 Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.”
5 Sumagot(C) si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.”
6 Nang(D) magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat,
7 kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog.
8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.”
9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli,
10 gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.”
11 Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001