Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 69

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.

69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
    Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
    ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
    at ang baha ay tumatangay sa akin.
Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
    ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
    sa kahihintay sa aking Diyos.

Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
    ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
    ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.

Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
    O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
    O Diyos ng Israel.
Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
    at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
    sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.

Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
    at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
    iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
    naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
    at ako ang awit ng mga lasenggo.

13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
    sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
    sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14     sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
    at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
    mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
    ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
    ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.

16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
    ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
    sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
    dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!

19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
    ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
    lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
    kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
    at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(C) nila ako ng lason bilang pagkain,
    at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(D) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
    kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.

23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;

    at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
    at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(E) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
    sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
    at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
    at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(F) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
    huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
    ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!

30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
    at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
    o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
    ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
    at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.

34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
    ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
    at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36     ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
    at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.

Mga Awit 73

IKATLONG AKLAT

Awit ni Asaf.

73 Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel,
    sa mga taong ang puso'y malilinis.
Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod,
    ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas.
Sapagkat ako'y nainggit sa palalo;
    aking nakita ang kaginhawahan ng masama.

Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan,
    at ang kanilang katawan ay matataba.
Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao;
    hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao.
Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan,
    ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan.
Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan,
    ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan.
Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan,
    sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan.
Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit,
    at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa.

10 Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan,
    at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila.
11 At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos?
    May kaalaman ba sa Kataas-taasan?”
12 Narito, ang mga ito ang masasama;
    laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana.
13 Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso,
    at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko.
14 Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan,
    at tuwing umaga ay napaparusahan.

15 Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;”
    ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo.
16 Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain,
    sa akin ay parang napakahirap na gawain,
17 hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos,
    saka ko naunawaan ang kanilang katapusan.
18 Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay,
    iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan.
19 Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap,
    tinatangay na lubusan ng mga sindak!
20 Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao,
    sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo.

21 Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam,
    nang ang kalooban ko'y nasaktan,
22 ako'y naging hangal at mangmang;
    ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo.
23 Gayunman ako'y kasama mong palagian,
    inaalalayan mo ang aking kanang kamay.
24 Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan,
    at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
    at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina,
    ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.

27 Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo;
    ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo.
28 Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan;
    ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Diyos,
    upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Esther 1:1-4

Hindi Sinunod ni Reyna Vasti si Haring Ahasuerus

Nangyari(A) noon sa mga araw ni Ahasuerus, ang Ahasuerus na naghari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan.

Nang mga araw na iyon, nang maupo si Haring Ahasuerus sa trono ng kanyang kaharian, na nasa kastilyo ng Susa,

sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya'y nagbigay ng isang malaking handaan para sa kanyang mga pinuno at mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media at ang mga maharlika at gobernador ng mga lalawigan ay naroon,

samantalang ipinapakita niya ang malaking kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangalan at karangyaan ng kanyang kamahalan sa loob ng maraming araw, na isang daan at walumpung araw.

Esther 1:10-19

10 Nang ikapitong araw, nang ang hari ay masaya na dahil sa alak, kanyang inutusan sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong eunuko na naglilingkod kay Haring Ahasuerus,

11 na iharap si Reyna Vasti na suot ang kanyang korona sa harapan ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga pinuno ang kanyang kagandahan; sapagkat siya'y magandang pagmasdan.

12 Ngunit si Reyna Vasti ay tumanggi na pumunta sa utos ng hari na ipinaabot ng mga eunuko. Kaya't ang hari ay lubhang nagalit, at ang kanyang galit ay nag-alab sa katauhan niya.

Naalis sa Pagkareyna si Vasti

13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga pantas na nakakaalam ng mga panahon—sapagkat gayon ang paraan ng hari sa lahat ng dalubhasa sa kautusan at sa paghatol,

14 ang sumusunod sa kanya ay sina Carsena, Zetar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, ang pitong pinuno ng Persia at Media, na nakakita sa mukha ng hari, at naupong una sa kaharian:

15 “Ayon sa kautusan, anong ating gagawin kay Reyna Vasti sapagkat hindi niya sinunod ang utos ni Haring Ahasuerus na ipinaabot ng mga eunuko?”

16 At si Memucan ay sumagot sa harapan ng hari at ng mga pinuno, “Si Reyna Vasti ay hindi lamang sa hari nagkasala, kundi pati sa lahat ng mga pinuno, at sa lahat ng mga mamamayang nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus.

17 Sapagkat ang ginawang ito ng reyna ay mababalitaan ng lahat ng kababaihan, at hahamakin nila ang kanilang mga asawa, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Si Haring Ahasuerus ay nag-utos kay Reyna Vasti na humarap sa kanya, ngunit hindi siya pumunta!’

18 Sa araw na ito ang lahat ng kababaihan ng mga pinuno ng Persia at Media, na nakabalita ng ginawang ito ng reyna ay magsasabi ng gayon sa lahat ng pinuno ng hari, kaya't magkakaroon ng napakaraming paghamak at pagkapoot.

19 Kung ikalulugod ng hari, maglabas ng utos ang hari, at isulat sa mga kautusan ng mga taga-Persia at mga Medo, upang huwag mabago, na si Vasti ay hindi na makakalapit kay Haring Ahasuerus; at ibigay ng hari ang kanyang pagkareyna sa iba na mas mabuti kaysa kanya.

Mga Gawa 17:1-15

Sa Tesalonica

17 Nang makaraan na sina Pablo at Silas[a] sa Amfipolis at sa Apolonia ay nakarating sila sa Tesalonica, kung saan ay may isang sinagoga ng mga Judio.

At si Pablo ay pumasok ayon sa kanyang kaugalian, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nangatuwiran sa kanila mula sa mga kasulatan,

na ipinapaliwanag at pinatutunayan na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay; at sinasabi, “Itong Jesus na aking ipinangangaral sa inyo ay siyang Cristo.”

Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming mga Griyegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga pangunahing babae.

Subalit dahil sa inggit, ang mga Judio ay nagsama ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay ginulo nila ang lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason, sa kagustuhang maiharap sina Pablo at Silas[b] sa mga tao.

Nang sila'y hindi nila natagpuan, kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lunsod, na ipinagsisigawan, “Ang mga taong ito na nanggugulo[c] ay dumating din dito;

at tinanggap sila ni Jason. Lahat sila ay kumikilos laban sa mga utos ni Cesar, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus.”

Ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lunsod ay naligalig nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.

Nang sila'y makakuha ng piyansa mula kay Jason at sa iba pa, ay kanilang pinakawalan sila.

Sa Berea

10 Nang gabing iyon ay agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Nang dumating sila roon, pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio.

11 Ngayon ang mga ito ay higit na mararangal kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.

12 Kaya marami sa kanila ang nanampalataya, kasama ang maraming babaing Griyego at mga pangunahing lalaki.

13 Subalit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral din ni Pablo sa Berea, sila ay nagpunta rin doon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao.

14 At agad na isinugo ng mga kapatid si Pablo paalis hanggang sa dagat, ngunit nanatili roon sina Silas at Timoteo.

15 Si Pablo ay dinala ng mga naghatid sa kanya hanggang sa Atenas; at nang matanggap na nila ang utos upang sina Silas at Timoteo ay sumama sa kanya sa lalong madaling panahon, siya'y kanila nang iniwan.

Juan 12:36-43

36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito siya'y umalis at nagtago sa kanila.

37 Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya;

38 upang(A) matupad ang sinabi ni propeta Isaias:

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”

39 Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias,

40 “Binulag(B) niya ang kanilang mga mata,
    at pinatigas niya ang kanilang mga puso;
upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata,
    at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y pagalingin ko.”

41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya.

42 Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga,

43 sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001