Book of Common Prayer
ZAIN.
49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.
CHETH.
57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
TETH.
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2 maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5 Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6 mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7 Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8 Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9 na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
13 Ito ang daan noong mga hangal,
at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)
14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
at ang kanilang anyo ay maaagnas;
ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)
16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.
53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
wala isa mang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang matalino,
na naghahanap sa Diyos.
3 Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.
4 Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Diyos?
5 Doon sila'y nasa matinding takot,
na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.
6 O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
30 “Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako,
mga kalalakihang mas bata kaysa akin,
na ang mga magulang ay di ko ilalagay
na kasama ng mga aso ng kawan ko.
2 Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay?
Lumipas na ang kanilang lakas.
16 “At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17 Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18 May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19 Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
at ako'y naging parang alabok at abo.
20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21 Sa akin ikaw ay naging malupit,
sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22 Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23 Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.
24 “Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26 Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27 Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28 Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29 Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
at kasama ng mga avestruz.
30 Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31 Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.
19 Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.
20 Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.
Bumalik Sila sa Antioquia
21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,
22 na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.
23 Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.
24 At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.
25 Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;
26 at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.
27 Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.
28 Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.
Namatay si Lazaro
11 Noon(A) ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.
2 Si(B) Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.
3 Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus,[a] “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”
4 Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”
5 Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.
6 Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.
7 Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”
8 Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”
9 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.
10 Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.
11 Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”
12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”
13 Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro,[b] subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.
14 Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,
15 at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”
16 Si Tomas na tinatawag na Kambal[c] ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001