Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos
Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”
52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
Sa buong araw
2 ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
ikaw na gumagawa ng kataksilan.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
O ikaw na mandarayang dila.
5 Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
6 Makikita ng matuwid, at matatakot,
at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
7 “Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
at nagpakalakas sa kanyang nasa.”
8 Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
magpakailanpaman.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
sa harapan ng mga banal.
Panalangin para sa Pag-iingat
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
nang mga unang araw:
2 sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
at iyong ikinalat sila.
3 Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
at ng liwanag ng iyong mukha,
sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.
4 Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
6 Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7 Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
8 Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)
9 Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.
13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.
17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
bagaman hindi ka namin kinalimutan,
at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.
20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.
23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!
Ang Pagsasalita ni Elihu
32 Kaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin.
2 Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang-katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos.
3 Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job.
4 Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya.
5 At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito.
6 Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi:
“Ako'y bata pa,
at matatanda na kayo,
kaya't ako'y nahihiya at natakot
na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro.
7 Aking sinabi, ‘Hayaang magsalita ang mga araw,
at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.’
8 Ngunit ang espiritu na nasa tao,
ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa.
9 Hindi ang dakila ang siyang matalino,
ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto.
10 Kaya't aking sinasabi, ‘Pakinggan ninyo ako;
hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.’
19 Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan,
parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat.
20 Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan;
dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan.
21 Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan,
o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman.
22 Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita;
kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha.
Pinagsabihan ni Elihu si Job
33 “Gayunman, Job, pagsasalita ko'y iyong dinggin,
at makinig ka sa lahat ng aking mga sasabihin.
19 “Pinarurusahan din ng sakit sa kanyang higaan ang tao,
at ng patuloy na paglalaban sa kanyang mga buto;
20 anupa't kinaiinisan ng kanyang buhay ang tinapay,
at ng kanyang kaluluwa ang pagkaing malinamnam.
21 Ang kanyang laman ay natutunaw na anupa't hindi makita;
at ang kanyang mga buto na hindi dating nakikita ay nakalitaw na.
22 Ang kanyang kaluluwa ay papalapit sa hukay,
at ang kanyang buhay sa mga nagdadala ng kamatayan.
23 Kung mayroong isang anghel para sa kanya,
isang tagapamagitan, sa isang libo ay isa,
upang ipahayag sa tao kung ano ang matuwid sa kanya;
24 at siya'y mapagpala sa taong iyon, at nagsasabi,
‘Sa pagbaba sa hukay ay iligtas mo siya,
pantubos ay natagpuan ko na;
25 hayaang maging sariwa sa kabataan ang kanyang laman;
siya'y pabalikin sa mga araw ng kanyang lakas ng kabataan.
26 At ang tao'y nananalangin sa Diyos, at siya'y kanyang tinatanggap,
siya'y lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak,
at gagantihin ng Diyos[a] dahil sa kanyang katuwiran,
27 siya'y umaawit sa harapan ng mga tao, at nagsasaysay,
‘Ako'y nagkasala, at binaluktot ang matuwid,
at iyo'y hindi iginanti sa akin.
28 Kanyang tinubos ang kaluluwa ko mula sa pagbaba sa hukay,
at makakakita ng liwanag ang aking buhay.’
44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lunsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[a]
45 Subalit nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, nanlapastangan at sinalungat ang mga bagay na sinabi ni Pablo.
46 At nagsalita ng buong katapangan sina Pablo at Bernabe, na nagsasabi, “Kinakailangang ipahayag muna ang salita ng Diyos sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil ito, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kami ngayon ay babaling sa mga Hentil.
47 Sapagkat(A) ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi,
‘Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil,
upang ikaw ay magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”
48 Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.
49 Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain.
50 Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga kilalang babaing masisipag sa kabanalan at ang mga pangunahing lalaki sa lunsod, at nagsimula ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga nasasakupan.
51 Kaya't(B) ipinagpag nila ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagtungo sila sa Iconio.
52 At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.
19 At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito.
20 At marami sa kanila ang nagsasabi, “Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?”
21 Sinasabi naman ng iba, “Hindi ito ang mga salita ng isang may demonyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?”
Itinakuwil si Jesus
22 Nang panahong iyon, sa Jerusalem ay kapistahan ng Pagtatalaga. Noon ay tagginaw,
23 at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon.
24 Kaya't pinalibutan siya ng mga Judio, at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mong maliwanag sa amin.”
25 Sinagot sila ni Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo naniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ay siyang nagpapatotoo sa akin.
26 Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
27 Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin.
28 Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay.
29 Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama.[a]
30 Ako at ang Ama ay iisa.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001