Book of Common Prayer
Maskil para sa Maharlikang Kasalan
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.
45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.
2 Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
3 Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!
4 At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
5 Ang iyong mga palaso ay matalas
sa puso ng mga kaaway ng hari,
ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.
6 Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
7 iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
8 Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.
10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11 at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12 At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.
13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14 Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.
Kataas-taasang Pinuno
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
2 Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
isang dakilang hari sa buong lupa.
3 Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
4 Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)
5 Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
6 Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
7 Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!
8 Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
9 Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
siya'y napakadakila.
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
2 “O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
3 nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
4 gaya noong ako'y namumukadkad pa,
noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
5 nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
6 noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
7 Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
8 nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
at ang matatanda ay tumayo;
9 ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’
Sa Iconio
14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[a] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.
3 Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.
4 Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.
5 Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,
6 nalaman ito ng mga apostol[b] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,
7 at doon nila ipinangaral ang magandang balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.
9 Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,
10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[c] ay lumukso at nagpalakad-lakad.
11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”
12 Tinawag nilang Zeus[d] si Bernabe at Hermes[e] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.
13 Ang pari ni Zeus[f] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,
15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.
16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.
17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”
18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.
32 Sinagot sila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?”
33 Sumagot(A) sa kanya ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos.”
34 Sinagot(B) sila ni Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, ‘Aking sinabi, kayo'y mga diyos?’
35 Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan),
36 sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay lumalapastangan,’ sapagkat sinasabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos?’
37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin.
38 Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.”
39 Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.
40 Siya'y(C) muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon.
41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.”
42 At marami ang sumampalataya sa kanya roon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001