Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 80

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.

80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
    ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
    sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
    at pumarito ka upang kami'y iligtas.
Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
    at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
    at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.

Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!

Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
    iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
Inihanda mo ang lupa para doon,
    ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
    ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
    at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
    anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
    at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.

14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
    Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15     ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
    at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
    sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
    sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
    bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

Mga Awit 77

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.

77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at papakinggan niya ako.
Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
    sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
    ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
    nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)

Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
    ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
Ginugunita ko ang mga unang araw,
    ang mga taóng nagdaan.
Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
    ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
“Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
    At hindi na ba muling masisiyahan?
Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
    Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
    Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
    na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”

11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
    oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
    at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
    Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
    na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
    ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)

16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
    nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
    oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
    nagpakulog ang himpapawid,
    ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
    pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
    ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
    ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
    gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
    sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.

Mga Awit 79

Awit ni Asaf.

79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
    kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
    ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
    bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
    ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
    sa palibot ng Jerusalem;
    at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
    ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
    Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
    hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
    na hindi tumatawag sa pangalan mo!
Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
    at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.

Huwag mong alalahanin laban sa amin
    ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
    sapagkat kami ay lubhang pinababa.
Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
    alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
    ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.

11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
    ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
    ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
    ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
    sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.

Esther 4:4-17

Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.

Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon.

Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari.

Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio.

Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan.

At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai.

10 Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai,

11 “Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari.”

12 At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther.

13 Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: “Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio.

14 Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?”

15 At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai,

16 “Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay.”

17 Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya.

Mga Gawa 18:1-11

Sa Corinto

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo[a] sa Atenas, at pumunta sa Corinto.

Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo[b] sa kanila;

at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho—parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila.

At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego.

Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus.

Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, “Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil.”

Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga.

At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan.

Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik;

10 sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito.”

11 At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.

Lucas 1:1-4

Layunin ng Aklat

Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin,

ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral[a] ng salita,

ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo,

upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Lucas 3:1-14

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka[a] sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia,

Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang.

Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

Gaya(B) ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias,

“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
Bawat libis ay matatambakan,
    at bawat bundok at burol ay papatagin,
at ang liko ay tutuwirin,
    at ang mga baku-bakong daan ay papantayin.
At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.’”

Kaya't(C) sinabi ni Juan[b] sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating?

Kaya't(D) mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham.

Ngayon(E) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy.”

10 Tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”

11 Sumagot siya sa kanila, “Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin.”

12 Dumating(F) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”

13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo.”

14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, anong dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001