Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.
51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
at linisin mo ako sa aking kasalanan.
3 Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
4 Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
at walang dungis sa iyong paghatol.
5 Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.
6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
7 Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
8 Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.
10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.
18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.
Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw
29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:
24 “Kung ako'y sa ginto nagtiwala,
o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa,
25 kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki,
o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang,
o sa buwan na gumagalaw na may karilagan,
27 at lihim na naakit ang aking puso,
at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko,
28 ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom,
sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas.
29 “Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam,
o natuwa nang datnan siya ng kasamaan—
30 hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala,
sa paghingi na may sumpa ng buhay niya—
31 kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi,
‘Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?’
32 ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan;
binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay—
33 kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag,
sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao,
at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan,
na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan—
35 o sana'y may duminig sa akin!
(Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!)
At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat;
itatali ko sa akin na gaya ng isang korona;
37 aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang,
gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya.
38 “Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin,
at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad,
at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon;
40 tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo,
at ng masasamang damo sa halip ng sebada.”
Ang mga salita ni Job ay natapos.
12 Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.
13 Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.
14 Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.
15 At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos(A) ng mga bagay na ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak;
muli kong itatatag ang guho nito,
at ito'y aking itatayo:
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18 sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.’
19 Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.
20 Sa(B) halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.
21 Sapagkat mula sa mga unang salinlahi si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga.”
30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[a] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
35 Umiyak si Jesus.
36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Binuhay si Lazaro
38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001