Book of Common Prayer
Awit ni Solomon.
72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
2 Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
at ang iyong dukha ng may katarungan!
3 Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
at ang mga burol, sa katuwiran!
4 Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
at ang mapang-api ay kanyang durugin!
5 Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
6 Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7 Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.
8 Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
9 Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!
12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.
15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.
20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.
JOD.
73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
upang huwag akong mapahiya.
CAPH.
81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
LAMED.
89 Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
12 Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon. Pinatatag ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga puno ng palma.
14 Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon.
Naging Hukom si Ehud
15 Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, humirang para sa kanila ang Panginoon ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab.
16 Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita.
17 Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba.
18 Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob.
19 Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, “Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari.” At kanyang sinabi, “Tumahimik ka.” At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan.
20 Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, “Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos.” Siya'y tumindig sa kanyang upuan.
21 At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon.
22 Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi.
23 Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito.
24 Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, “Maaaring siya ay dumudumi[a] sa malamig na silid.”
25 Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig.
26 Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira.
27 Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila.
28 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay.” At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao.
29 Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki.
30 Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon.
1 O(A) Teofilo, sa unang aklat ay isinulat ko ang tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula sa simula,
2 hanggang sa araw na iakyat siya sa langit pagkatapos na makapagbigay ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga apostol na kanyang hinirang.
3 Pagkatapos na siya'y magdusa ay buháy siyang nagpakita sa kanila sa pamamagitan ng maraming mga katunayan. Nagpakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.
4 Habang(B) kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, “Ito ang narinig ninyo sa akin;
5 sapagkat(C) si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?”
7 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad.
8 Ngunit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”
9 Pagkasabi(E) niya ng mga bagay na ito, habang sila'y nakatingin, dinala siya sa itaas at siya'y ikinubli ng ulap sa kanilang mga paningin.
10 Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaki ang tumayo sa tabi nila na may puting damit,
11 na nagsabi, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.”
Ang Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin.[a]
13 Nang(F) sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago.
14 Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.
Namatay si Jesus(A)
45 Mula nang oras na ikaanim[a] ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.[b]
46 At(B) nang malapit na ang oras na ikasiyam[c] ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.”
48 Tumakbo(C) kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka,[d] inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.
49 Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”
50 At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.
51 At(D) nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.
52 Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog[e] ay bumangon,
53 at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.
54 Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”[f]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001