Book of Common Prayer
Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
2 Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
at pumisil sa akin ang kamay mo.
3 Walang kaginhawahan sa aking laman
dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
dahil sa aking kahangalan.
6 Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
at walang kaginhawahan sa aking laman.
8 Nanghihina at bugbog ako;
ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.
9 Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.
13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
at walang pangangatuwiran sa aking bibig.
15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”
17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.
21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
O Panginoon, aking kaligtasan!
DALETH.
25 Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko;
muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita.
26 Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako;
ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
27 Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo,
at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo.
28 Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan;
palakasin mo ako ayon sa iyong salita!
29 Ilayo mo sa akin ang mga maling daan;
at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan!
30 Ang daan ng katapatan ay pinili ko,
ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko.
31 Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O Panginoon;
sa kahihiyan ay ilayo mo ako!
32 Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo,
kapag iyong pinalaki ang puso ko!
HE.
33 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang daan ng iyong mga batas,
at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas.
34 Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo,
at akin itong susundin ng buong puso ko.
35 Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo,
sapagkat aking kinaluluguran ito.
36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
at huwag sa pakinabang.
37 Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan;
at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan.
38 Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo,
na para sa mga natatakot sa iyo.
39 Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan;
sapagkat ang mga batas mo'y mainam.
40 Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan,
bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.
VAU.
41 O Panginoon, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo,
ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako;
42 sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta,
sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko,
sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo.
44 Lagi kong susundin ang iyong kautusan,
magpakailanpaman.
45 At lalakad ako na may kalayaan;
sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan.
46 Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari,
at hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y natutuwa sa iyong mga utos,
na aking iniibig.
48 Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko,
at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo.
Tumawid ang Israel sa Jordan
3 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid.
2 Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo;
3 at iniutos nila sa taong-bayan, na sinasabi, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon
4 upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon.”
5 At sinabi ni Josue sa bayan, “Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”
6 At nagsalita si Josue sa mga pari, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan.” At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan.
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo.
8 Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’”
9 Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.”
10 At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo.
11 Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan.
12 Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
13 Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.
26 Sa(A) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,
“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(B) ito ang aking tipan sa kanila,
kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.
29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.
30 Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,
31 gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag.
32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.
Papuri sa Diyos
33 O(C) ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!
34 “Sapagkat(D) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
O sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “O(E) sino ang nakapagbigay na sa kanya,
at siya'y mababayaran?”
36 Sapagkat(F) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ang Paghuhukom sa mga Bansa
31 “Kapag(A) dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.
32 At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao[a] na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,
33 at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.
34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.
35 Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.
36 Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’
37 Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?
38 Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?
39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?’
40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.’
41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.
42 Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.
43 Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw.’
44 Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?’
45 At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.’
46 At(B) ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001