Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Josue 6:1-14

Sinakop ang Jerico

Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.

Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.

Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.

Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”

Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.”

At kanyang sinabi sa bayan, “Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.”

Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng Panginoon ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumunod sa kanila.

Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan.

10 At iniutos ni Josue sa bayan, “Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw.”

11 Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng Panginoon. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon.

12 Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng Panginoon.

13 Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli.

14 Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw.

Roma 13:1-7

Tungkulin sa mga may Kapangyarihan

13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.

Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[a] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:

sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.

Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.

Sapagkat(A) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Mateo 26:26-35

Ang Banal na Hapunan(A)

26 Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, “Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.”

27 At kumuha siya ng isang saro[a] at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, “Uminom kayong lahat nito,

28 sapagkat(B) ito ang aking dugo ng tipan,[b] na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

29 At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.”

30 At pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Paunang Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(C)

31 Pagkatapos(D) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong lahat ay tatalikod[c] dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.’

32 Subalit(E) matapos na ako'y maibangon na ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

33 Ngunit sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa iyo, ako kailanma'y hindi tatalikod.”

34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit kinakailangang ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001