Book of Common Prayer
Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
2 Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
pupurihin ka ng aking mga labi.
4 Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.
5 Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
6 kapag naaalala kita sa aking higaan,
ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
7 sapagkat naging katulong kita,
at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
8 Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.
9 Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.
Isang Awit.
98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
2 Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
3 Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
ang kaligtasan ng aming Diyos.
4 Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
5 Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
ng lira at ng tunog ng himig!
6 Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!
7 Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
8 Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
9 sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
at ng katarungan ang mga bayan.
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit ni David.
103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
at lahat ng nasa loob ko,
purihin ang kanyang banal na pangalan!
2 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
3 na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
4 na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
5 na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
at katarungan sa lahat ng naaapi.
7 Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Hindi siya laging makikipaglaban,
ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
naaalala niya na tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.
15 At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod.
16 Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, “Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang lunsod.
17 Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buháy sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo.
18 Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan.
19 Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa Panginoon; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng Panginoon.”
20 Kaya't(A) sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuluy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod.
21 Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno.
22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking naniktik sa lupain, “Pumasok kayo sa bahay ng upahang babae at ilabas ninyo roon ang babae at ang lahat niyang ari-arian gaya ng inyong ipinangako sa kanya.”
23 Kaya't ang mga binatang espiya ay pumasok at inilabas si Rahab, ang kanyang ama, ina, mga kapatid, at lahat ng kanyang ari-arian. Ang lahat niyang kamag-anak ay kanila ring inilabas at sila ay inilagay sa labas ng kampo ng Israel.
24 At kanilang sinunog ng apoy ang lunsod at ang lahat na naroroon; tanging ang pilak at ginto, mga sisidlang tanso at bakal ang kanilang ipinasok sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
25 Ngunit(B) si Rahab na upahang babae, ang sambahayan ng kanyang ama, at ang lahat niyang ari-arian ay iniligtas ni Josue. Siya'y nanirahang kasama ng Israel hanggang sa araw na ito, sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ipinadala ni Josue upang maniktik sa Jerico.
26 Sumumpa(C) si Josue ng sumpa sa kanila nang panahong iyon, na sinasabi, “Sumpain sa harapan ng Panginoon ang taong magbabangon at muling magtatayo nitong lunsod ng Jerico. Sa halaga ng kanyang panganay ay ilalagay niya ang saligan nito at sa halaga ng kanyang bunsong lalaki ay itatayo niya ang mga pintuan nito.”
27 Kaya't ang Panginoon ay naging kasama ni Josue; at ang kanyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.
Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin
30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.
23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”
2 Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.
3 Nang(A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”
4 Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”
5 At(B) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang(C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”
7 Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.
8 (Sapagkat(D) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)
9 Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”
10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.
11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(A)
2 Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.
2 Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
3 May mga taong[a] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
4 Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,
7 “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
8 Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—
11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”
12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001