Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos
Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”
52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
Sa buong araw
2 ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
ikaw na gumagawa ng kataksilan.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
O ikaw na mandarayang dila.
5 Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
6 Makikita ng matuwid, at matatakot,
at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
7 “Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
at nagpakalakas sa kanyang nasa.”
8 Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
magpakailanpaman.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
sa harapan ng mga banal.
Panalangin para sa Pag-iingat
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
nang mga unang araw:
2 sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
at iyong ikinalat sila.
3 Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
at ng liwanag ng iyong mukha,
sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.
4 Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
6 Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7 Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
8 Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)
9 Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.
13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.
17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
bagaman hindi ka namin kinalimutan,
at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.
20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.
23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!
Ang Kasalanan ni Acan
7 Ngunit ang mga anak ni Israel ay lumabag tungkol sa mga itinalagang bagay: si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa mga anak ni Israel.
2 Si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai na malapit sa Bet-haven, sa gawing silangan ng Bethel, at sinabi sa kanila, “Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain.” At ang mga lalaki ay humayo at tiniktikan ang Ai.
3 At sila'y bumalik kay Josue at sinabi sa kanya, “Huwag mo nang paahunin ang buong bayan, kundi paahunin lamang ang dalawa o tatlong libong lalaki at salakayin ang Ai; huwag mo nang pagurin ang buong bayan, sapagkat sila'y kakaunti.”
4 Kaya't umahon mula sa bayan ang may tatlong libong lalaki; at sila'y nagtakbuhan sa harapan ng mga lalaki sa Ai.
5 Ang napatay sa kanila ng mga lalaki sa Ai ay may tatlumpu't anim na lalaki; at kanilang hinabol sila mula sa harapan ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at pinatay sila sa dakong pababa. At ang mga puso ng taong-bayan ay nanlumo at naging parang tubig.
6 Pagkatapos ay pinunit ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harapan ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang matatanda ng Israel; at nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo.
7 At sinabi ni Josue, “O Panginoong Diyos, bakit mo pa pinatawid ang bayang ito sa Jordan upang ibigay lamang kami at puksain ng kamay ng mga Amoreo? Sana'y nasiyahan na kaming nanirahan sa kabila ng Jordan!
8 O Panginoon, ano ang aking masasabi pagkatapos na ang Israel ay tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway!
9 Sapagkat mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng lahat na naninirahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at tatanggalin ang aming pangalan sa lupa; at ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?”
10 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka; bakit ka nagpapatirapa ng ganito?
11 Ang Israel ay nagkasala at kanilang nilabag ang tipan na aking iniutos sa kanila. Sila'y kumuha sa mga itinalagang bagay, sila'y nagnakaw, nagsinungaling at inilagay ang mga iyon sa kanilang sariling dala-dalahan.
12 Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makakatagal sa harapan ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway sapagkat sila'y naging bagay para sa pagkawasak. Ako'y hindi na sasama sa inyo, malibang puksain ninyo ang mga itinalagang bagay sa gitna ninyo.
13 Tumayo ka, pakabanalin mo ang bayan, at sabihin mo, ‘Magpakabanal kayo sa kinabukasan; sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, “May mga itinalagang bagay sa gitna mo, O Israel. Ikaw ay hindi makakatagal sa harapan ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.”
Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.
9 Ang(A) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(A)
36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin.”
37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag.
38 At sinabi niya sa kanila, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”
39 Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”
40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?
41 Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.”
42 Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari.”
43 At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila.[a]
44 Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita.
45 Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
46 Bumangon kayo, lumakad tayo. Masdan ninyo, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001