Book of Common Prayer
116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
ang aking tinig at aking mga hiling.
2 Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
3 Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
4 Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
“O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”
5 Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
oo, ang Diyos namin ay maawain.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
8 Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
ang mga mata ko sa mga luha,
ang mga paa ko sa pagkatisod;
9 Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
“Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
“Lahat ng tao ay sinungaling.”
12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Isang Awit ng Kagalakan
14 Umawit ka nang malakas, O anak na babae ng Zion;
Sumigaw ka, O Israel!
Ikaw ay matuwa at magalak nang buong puso,
O anak na babae ng Jerusalem!
15 Inalis ng Panginoon ang mga hatol laban sa iyo,
kanyang iwinaksi ang iyong mga kaaway.
Ang Hari ng Israel, ang Panginoon, ay nasa gitna mo;
hindi ka na matatakot pa sa kasamaan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem;
“Huwag kang matakot;
O Zion, huwag manghina ang iyong mga kamay.
17 Ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo,
isang mandirigma na nagbibigay ng tagumpay;
siya'y magagalak sa iyo na may kagalakan;
siya'y tatahimik sa kanyang pag-ibig;
siya'y magagalak sa iyo na may malakas na awitan,
18 aking pipisanin ang namamanglaw dahil sa
takdang kapistahan.[a]
“Sila'y nagmula sa iyo, aalisin ang kakutyaan sa kanya.
19 Narito, sa panahong iyon ay aking parurusahan ang lahat ng mga umaapi sa iyo.
At aking ililigtas ang pilay at titipunin ang pinalayas;
at aking papalitan ng kapurihan ang kanilang kahihiyan,
at kabantugan sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon kayo'y aking ipapasok,
sa panahon na kayo'y aking tinitipon;
oo, aking gagawin kayong bantog at pinupuri
ng lahat ng mga bayan sa daigdig,
kapag ibinalik ko ang inyong mga kapalaran
sa harapan ng inyong paningin,” sabi ng Panginoon.
47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran.
2 Pagka-umaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan.
3 Kanilang sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?”
4 Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki.
5 At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka.
6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya!
7 Subalit(B) humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
2 Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
3 Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
4 Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
5 Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
6 Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
7 upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
at ng kaparusahan sa mga bayan,
8 upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
9 upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan;
4 na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.
5 Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.
6 Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.
7 Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001