Book of Common Prayer
ALEPH.
119 Mapalad silang sakdal ang landas,
na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
2 Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
na hinahanap siya ng buong puso,
3 na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
4 Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
upang masikap naming sundin.
5 O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
6 Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
7 Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
8 Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
O huwag mong ganap na talikuran ako!
BETH.
9 Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
ang mga iyon ay aking mga tagapayo.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
2 Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?
3 O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
4 baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
5 Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
6 Ako'y aawit sa Panginoon,
sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
na hinahanap ang Diyos.
3 Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala kahit isa.
4 Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Panginoon?
5 Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
6 Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
7 Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.
1 Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Di-zahab.
2 Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea.
3 Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya para sa kanila.
4 Ito(A) ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei.
5 Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod:
6 “Ang Panginoon nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, ‘Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito.
7 Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates.
8 Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.’
Humirang si Moises ng mga Hukom(B)
9 “At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, ‘Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa.
10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami.
11 Ang Panginoon na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!
12 Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan?
13 Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.’
14 At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, ‘Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.’
15 Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi.
16 Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: ‘Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya.
17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.’
18 Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin.
Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel
9 Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,
2 na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso.
3 Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.
4 Sila'y(A) mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako;
5 sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen.
6 Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;
7 ni(B) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”
8 Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.
9 Sapagkat(C) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”
10 At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama.
11 Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,
12 na(D) hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”
13 Gaya(E) ng nasusulat,
“Si Jacob ay aking minahal,
ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”
14 Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari.
15 Sapagkat(F) sinasabi niya kay Moises,
“Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan,
at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.”
16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.
17 Sapagkat(G) sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.”
18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.
27 “Kahabag-habag(A) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan.
28 Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.
Paunang Sinabi ni Jesus ang Kanilang Magiging Kaparusahan(B)
29 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid,
30 at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.’
31 Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta.
32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.
33 Kayong(C) mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno?[a]
34 Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan,
35 upang(D) mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana.
36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.
Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(E)
37 “O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
38 Masdan(F) ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.[b]
39 Sapagkat(G) sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001