Book of Common Prayer
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.
13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.
16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.
22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.
15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
17 Babalik sa Sheol ang masama
ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Nagpadala ng Espiya si Josue sa Jerico
2 Si(A) Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo mula sa Shittim ng dalawang lalaki bilang tiktik, na sinasabi, “Humayo kayo, tingnan ninyo ang lupain, at ang Jerico.” At sila'y humayo at pumasok sa bahay ng isang upahang babae[a] na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.
2 At ito'y ibinalita sa hari sa Jerico, na sinasabi, “Tingnan ninyo, may mga lalaki mula sa Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain.”
3 Kaya't ang hari ng Jerico ay nagpasugo kay Rahab, na sinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking dumating sa iyo, at pumasok sa iyong bahay. Sila'y naparito upang siyasatin ang buong lupain.”
4 Subalit isinama ng babae ang dalawang lalaki at naikubli na sila. Pagkatapos ay sinabi niya, “Oo, ang mga lalaki ay naparito sa akin, ngunit hindi ko alam kung taga-saan sila.
5 Sa oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, ang mga lalaki ay lumabas at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Habulin ninyo sila kaagad, sapagkat aabutan ninyo sila.”
6 Gayunman, kanyang napaakyat na sila sa bubungan, at ikinubli sila sa mga tangkay ng lino na kanyang inilagay na maayos sa bubungan.
7 Hinabol sila ng mga tao sa daang patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran, at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuan.
8 Bago sila natulog ay kanyang inakyat sila sa bubungan;
9 at sinabi niya sa mga lalaki, “Nalalaman ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at ang pagkatakot sa inyo ay dumating sa amin, at ang lahat ng nanirahan sa lupain ay nanghihina sa harapan ninyo.
10 Sapagkat(B) aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Pula sa harapan ninyo, nang kayo'y lumabas sa Ehipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.
11 Nang mabalitaan namin iyon ay nanlumo ang aming puso, ni walang tapang na naiwan sa sinumang tao dahil sa inyo, sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.
12 Kaya't ngayon, sumumpa kayo sa akin sa Panginoon, yamang ako'y nagmagandang-loob sa inyo ay magmagandang-loob naman kayo sa sambahayan ng aking magulang. Bigyan ninyo ako ng tunay na tanda
13 na ililigtas ninyong buháy ang aking ama, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat nilang ari-arian, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.”
14 At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Ang aming buhay ay sa iyo kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay. Kapag ibinigay sa amin ng Panginoon ang lupain, kami ay magmamagandang-loob at magiging tapat sa inyo.”
Kinahabagan ng Diyos ang Israel
11 Sinasabi(A) ko nga, itinakuwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin.
2 Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel?
3 “Panginoon,(B) pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay.”
4 Subalit(C) ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal.”
5 Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya.
6 Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya.
7 Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas,
8 ayon(D) sa nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing,
ng mga matang hindi tumitingin,
at ng mga taingang hindi nakikinig
hanggang sa araw na ito.”
9 At(E) sinasabi ni David,
“Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag,
isang katitisuran, at isang ganti sa kanila;
10 magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita,
mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon.”
11 Sinasabi ko nga, natisod ba sila upang mahulog? Huwag nawang mangyari. Subalit sa pagkahulog nila'y dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang pukawin sila sa paninibugho.
12 Ngayon kung ang pagkahulog nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Hentil, gaano pa kaya ang lubos na panunumbalik nila?
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen
25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.
2 Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino.
3 Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.
4 Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.
5 Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.
6 Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’
7 Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.
8 At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.’
9 Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’
10 At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.
11 Pagkatapos(B) ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’
12 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’
13 Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001