Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 70-71

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
    O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
Mapahiya at malito nawa sila
    na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
    silang nagnanais na ako'y masaktan!
Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
    silang nagsasabi, “Aha, Aha!”

Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
    ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
    magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    O Panginoon, huwag kang magtagal!

71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
    huwag nawa akong mapahiya kailanman!
Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
    ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
    na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.

Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
    mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
    ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
    ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.

Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
    ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
    at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
    huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
    silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
    habulin at hulihin siya;
    sapagkat walang magliligtas sa kanya.”

12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
    O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
    matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
    ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
    at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
    ng iyong mga kaligtasan buong araw;
    sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
    aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.

17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
    at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
    O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
    sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
    ay umabot sa mataas na kalangitan.

Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
    O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
    ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
    at muli akong aliwin.

22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
    dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
    O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
    kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
    gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
    sila na nagnanais na ako'y saktan.

Mga Awit 74

Maskil ni Asaf.

74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!

Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!

12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.

18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Levitico 19:26-37

26 “Huwag(A) kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway.

27 Huwag(B) ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas.

28 Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang Panginoon.

29 “Huwag(C) mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan.

30 Ipapangilin(D) ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon.

31 “Huwag(E) kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

32 “Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.

33 “Kapag(F) ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.

34 Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

35 “Huwag(G) kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami.

36 Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa[a] at wastong hin.[b] Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto.

37 Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon.”

2 Tesalonica 1

Pagbati

Si(A) Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat

Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan.

Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis.

Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo

Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.

Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,

at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,

na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.

Ang(B) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,

10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.

11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,

12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mateo 6:25-34

Tungkol sa Pagkabalisa(A)

25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?

26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?

27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[a]

28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.

29 Gayunma'y(B) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.

30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’

32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[b] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001