Book of Common Prayer
ALEPH.
119 Mapalad silang sakdal ang landas,
na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
2 Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
na hinahanap siya ng buong puso,
3 na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
4 Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
upang masikap naming sundin.
5 O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
6 Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
7 Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
8 Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
O huwag mong ganap na talikuran ako!
BETH.
9 Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
ang mga iyon ay aking mga tagapayo.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.
12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
3 Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
4 ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
5 “Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
“Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
na pitong ulit na dinalisay.
7 O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
8 Gumagala ang masasama sa bawat dako,
kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
2 Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?
3 O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
4 baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
5 Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
6 Ako'y aawit sa Panginoon,
sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
na hinahanap ang Diyos.
3 Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala kahit isa.
4 Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Panginoon?
5 Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
6 Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
7 Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.
22 Patuloy na pinangunahan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Pula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; sila'y lumakad ng tatlong araw sa ilang at hindi nakatagpo ng tubig.
Ang Israel sa Mara
23 Nang sila'y dumating sa Mara, hindi nila mainom ang tubig sa Mara, sapagkat ito ay mapait. Kaya't tinawag itong Mara.[a]
24 Nagreklamo ang bayan kay Moises, na sinasabi, “Anong aming iinumin?”
25 Siya'y dumaing sa Panginoon at itinuro sa kanya ng Panginoon ang isang punungkahoy; inihagis niya ito sa tubig, at ang tubig ay tumamis.
Doon, gumawa ang Panginoon[b] para sa kanila ng isang batas at tuntunin. Doon ay sinubok niya sila,
26 na sinasabi, “Kung iyong diringgin ng buong tiyaga ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong gagawin ang matuwid sa kanyang mga mata, at iyong susundin ang kanyang mga utos, at iyong tutuparin ang lahat ng kanyang mga batas, wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Ehipcio; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.”
27 Sila'y dumating sa Elim, kung saan mayroong labindalawang bukal ng tubig, at pitumpung puno ng palma; at sila'y humimpil doon sa tabi ng tubig.
Ang Israel sa Elim at sa Ilang ng Sin
16 Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.
2 Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.
3 Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”
4 Nang(A) magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.
5 Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”
6 At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,
7 at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”
8 Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”
10 Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.
Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal
2 Kaya't iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang-puri.
2 Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan,
3 kung(A) natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti.
4 Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at
5 tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
6 Sapagkat(B) ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”
7 Kaya't(C) sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,
“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ay siyang naging puno ng panulok,”
8 at,(D)
“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”
Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.
9 Ngunit(E) kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.
10 Noon(F) ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.
Si Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.
2 Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga.
3 Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo.
4 Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako'y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.
6 Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog.
7 Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo.
8 Sa pamamagitan nito'y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magbunga ng marami, at maging mga alagad ko.
9 Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal.
10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001