Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Exodo 25:1-22

25 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa akin ng isang handog; tanggapin ninyo ang handog para sa akin mula sa bawat tao na ang puso ay nagkukusang-loob.

At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila: ginto, pilak, tanso,

lanang asul, kulay-ube, pula, at lino at pinong hinabing balahibo ng kambing,

mga balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at mga balat ng kambing, at kahoy na akasya,

langis sa ilawan, mga pampabango sa langis na pampahid, at sa mabangong insenso;

mga batong onix, at mga bato sa efod, at sa pektoral.

Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako'y makapanirahan sa gitna nila.

Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyong huwaran ng tabernakulo at sa anyong huwaran ng lahat ng kasangkapan niyon ay gayon ninyo gagawin.

Ang Kaban ng Tipan(A)

10 “Sila'y gagawa ng isang kabang yari sa kahoy na akasya na may dalawang siko at kalahati ang haba, isang siko't kalahati ang luwang, isang siko't kalahati ang taas.

11 Iyong babalutin ng lantay na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.

12 Bubuo ka ng apat na argolyang ginto para ilagay mo sa apat na paa niyon, dalawang argolya sa isang tagiliran niyon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyon.

13 Gagawa ka ng mga pasanang yari sa kahoy na akasya at iyong babalutin ng ginto.

14 Iyong isusuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban sa pamamagitan ng mga ito.

15 Ang mga pasanan ay mananatili sa loob ng mga argolya ng kaban; hindi aalisin doon ang mga ito.

16 Iyong ilalagay sa loob ng kaban ang mga patotoo na aking ibibigay sa iyo.

17 Pagkatapos,(B) gagawa ka ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na may dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko at kalahati ang luwang niyon.

18 At gagawa ka ng dalawang kerubin na ginto; gagawin mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagpitpit, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.

19 Gumawa ka ng isang kerubin sa isang dulo, at ng isang kerubin sa kabilang dulo; sa kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga kerubin sa dalawang dulo niyon.

20 Ibubuka ng mga kerubin nang paitaas ang kanilang pakpak, na nilililiman ang luklukan ng awa ng kanilang mga pakpak. Sila'y nakaharap sa isa't isa; ang mukha ng kerubin ay nakaharap sa luklukan ng awa.

21 Iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban ay iyong ilalagay ang tipan[a] na aking ibibigay sa iyo.

22 Doon ako makikipagtagpo sa iyo, at mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng tipan ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga utos ko para sa mga anak ni Israel.

Colosas 3:1-17

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Kung(A) kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.

Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa,

sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.

Kapag si Cristo na inyong[a] buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.

Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan.

Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.[b]

Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito.

Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig.

Huwag(B) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito,

10 at(C) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.

11 Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di-tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat!

12 Bilang(D) mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan.

13 Pagtiisan(E) ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin.

14 At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.

15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat.

16 Manirahan(F) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso.

17 At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

Mateo 4:18-25

Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(A)

18 Sa paglalakad ni Jesus[a] sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.

19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”

20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

21 At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos[b] ng lambat; at kanyang tinawag sila.

22 Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.

Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(B)

23 At(C) nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

24 Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling.

25 At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001