Book of Common Prayer
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Panalangin(A) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
2 Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
3 Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.
4 Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)
5 Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.
6 Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
“Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
7 Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
ang Juda ay aking setro.
8 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
9 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.
114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
2 ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
ang Israel ay kanyang sakop.
3 Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
ang Jordan ay umatras.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
ang mga burol na parang mga batang tupa.
5 Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
O Jordan, upang umurong ka?
6 O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
O mga burol, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Diyos ni Jacob;
8 na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
na bukal ng tubig ang hasaang bato.
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
Ginawang Muli ang Dalawang Tapyas(A)
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumabas ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag.
2 Maghanda ka sa kinaumagahan, at umakyat ka kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka sa akin doon sa tuktok ng bundok.
3 Walang sinumang aakyat na kasama mo, at huwag hayaang may makitang sinuman sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga baka ay huwag manginain sa harapan ng bundok na iyon.”
4 Kaya't si Moises ay tumabas ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; kinaumagahan, siya ay bumangon nang maaga at umakyat sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya, at hinawakan ang dalawang tapyas na bato.
5 Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at ipinahayag ang pangalan ng Panginoon.
6 Ang(B) Panginoon ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag,
“Ang Panginoon, ang Panginoon,
isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala,
hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan,
7 na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo,
nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan,
ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala;
na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama
sa mga anak,
at sa mga anak ng mga anak,
hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”
8 Nagmadali si Moises na itinungo ang kanyang ulo sa lupa at sumamba.
9 Kanyang sinabi, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, O Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, na humayo ka sa kalagitnaan namin. Bagaman ang bayang ito ay matigas ang ulo, ipatawad mo ang aming kasamaan at mga kasalanan, at tanggapin mo kami bilang iyong mana.”
Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan(C)
10 At kanyang sinabi, “Ako ngayo'y nakikipagtipan. Sa harap ng iyong buong bayan ay gagawa ako ng mga kababalaghan na kailanma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alinmang bansa; at ang buong bayan na kasama ay makakakita ng gawa ng Panginoon, sapagkat kakilakilabot na bagay ang aking gagawing kasama mo.
11 “Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Tingnan mo, aking pinalalayas sa harap mo ang mga Amoreo, mga Cananeo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at ang mga Jebuseo.
12 Mag-ingat ka na huwag makipagtipan sa mga nakatira sa lupain na iyong patutunguhan, baka ito'y maging isang bitag sa gitna mo.
13 Inyong(D) wawasakin ang kanilang mga dambana, at sisirain ninyo ang kanilang mga haligi at inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste.[a]
14 Sapagkat hindi ka sasamba sa ibang diyos, sapagkat ang Panginoon na ang pangalan ay Mapanibughuin ay Diyos na mapanibughuin.
15 Huwag kang makipagtipan sa mga nakatira sa lupain, sapagkat kapag sila ay nagpapakasama sa kanilang mga diyos at naghahandog sa kanilang mga diyos, mayroon sa kanilang mag-aanyaya sa inyo, at ikaw ay kakain ng kanilang handog.
16 At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae na nagpapakasama sa kanilang mga diyos ay pasusunurin ang inyong mga anak na magpakasama sa kanilang mga diyos.
17 “Huwag(E) kang gagawa para sa iyo ng mga diyos na hinulma.”
13 At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya.
14 Sapagkat(A) kayo, mga kapatid, ay naging taga-tulad sa mga iglesya ng Diyos kay Cristo Jesus na nasa Judea, sapagkat nagdusa din naman kayo ng mga gayong bagay mula sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio.
15 Sila(B) ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas. Sila'y hindi nagbigay-lugod sa Diyos at sinalungat ang lahat ng mga tao,
16 at pinagbawalan kaming magsalita sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Kaya't kanilang pinupunong lagi ang kanilang mga kasalanan; ngunit dumating sa kanila ang poot ng Diyos hanggang sa katapusan.
Nais ni Pablo na Muli Silang Dalawin
17 Ngunit kami, mga kapatid, na nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay lalong higit na nananabik na makita kayo nang mukhaan.
18 Sapagkat nais naming pumunta sa inyo—lalo na akong si Pablo na paulit-ulit na nais makabalik—ngunit hinadlangan kami ni Satanas.
19 Sapagkat ano ang aming pag-asa, o kagalakan, o putong ng kapurihan sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo?
20 Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.
Turo tungkol sa Galit
21 “Narinig(A) ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’[a] ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.[b]
23 Kaya't kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo,
24 iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob.
25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan.
26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001