Book of Common Prayer
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
2 Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
5 Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
6 Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
7 Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
8 Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
9 Siya'y(B) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
ang nasa ng masama ay mapapahamak.
Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon
113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
purihin ang pangalan ng Panginoon!
2 Purihin ang pangalan ng Panginoon
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
4 Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.
5 Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
na nakaupo sa itaas,
6 na nagpapakababang tumitingin
sa kalangitan at sa lupa?
7 Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
8 upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
9 Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!
5 Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, “Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?”
6 Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.
7 Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.
8 Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.[a]
9 Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.
10 Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon.
11 Kanilang sinabi kay Moises, “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?
12 Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio’? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang.”
13 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.
14 Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”
15 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.
16 Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
17 Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.
18 Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.”
19 Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.
20 Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.
21 Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.
22 Ang(A) mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.
Ang Salita ng Buhay
1 Yaong(A) buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay—
2 at(B) ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.
3 Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.
4 Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming[a] kagalakan ay malubos.
Ang Diyos ay Liwanag
5 At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman.
6 Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan.
7 Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.
Si Jesus ang Daan tungo sa Ama
14 “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.
2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?
3 At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.
4 Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”[a]
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”
6 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
7 Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001