Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 55

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.

55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    at huwag kang magtago sa daing ko!
Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
    ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
    dahil sa tinig ng kaaway,
    dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
    at sa galit ay inuusig nila ako.

Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
    ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
Takot at panginginig ay dumating sa akin,
    at nadaig ako ng pagkatakot.
At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
    Lilipad ako at magpapahinga.
Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
    sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
    mula sa malakas na hangin at bagyo.”
O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
    sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
    sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
    ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.

12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
    mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
    sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
    kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
    tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
    ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
    sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.

16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
    at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
    ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
    mula sa pakikibaka laban sa akin,
    sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
    siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.

20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
    kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
    ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
    gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
    at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
    makilos kailanman ang matuwid.

23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
    sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
    ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.

Mga Awit 138:1-139:23

Awit ni David.

138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
    sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
    sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
    iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.

Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
    sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
    sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
    ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.

Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
    ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
    at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
    ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
    Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
    nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
    at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
    O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
    at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
    ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.

Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
    O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
    Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
    at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
    at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
    at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
    at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
    ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.

13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
    at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
    Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
    mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
    ang mga araw na sa akin ay itinakda,
    nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
    Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
    Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.

19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
    kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
    at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
    At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
    itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
    subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!

Exodo 40:18-38

18 Itinayo ni Moises ang tabernakulo, inilagay niya ang mga saligan, at ipinatong ang malalaking tabla, at isinuot ang mga biga, at itinayo ang mga haligi niyon.

19 Kanyang inilatag ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kanyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

20 Kanyang kinuha ang patotoo at inilagay ito sa loob ng kaban, at kanyang inilagay ang mga pasanan sa kaban, at kanyang inilagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban:

21 Kanyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang kurtinang pantabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 Kanyang inilagay ang hapag sa loob ng toldang tipanan, sa dakong hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing.

23 Kanyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng hapag sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

24 Kanyang inilagay ang ilawan sa toldang tipanan, sa tapat ng hapag, sa gawing timog ng tabernakulo.

25 Kanyang sinindihan ang mga ilaw sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

26 Kanyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng toldang tipanan sa harap ng lambong.

27 Siya'y nagsunog doon ng mabangong insenso; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

28 Kanyang inilagay ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.

29 Kanyang inilagay ang dambana ng handog na sinusunog sa pintuan ng toldang tipanan, at nag-alay doon ng handog na sinusunog, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Kanyang inilagay ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan.

31 Si Moises at si Aaron at ang kanyang mga anak ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa;

32 kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan at kapag sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

33 At kanyang inilagay ang bulwagan sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuan ng bulwagan. Gayon tinapos ni Moises ang gawain.

Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(A)

34 Pagkatapos(B) ay tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.

35 Si Moises ay hindi makapasok sa toldang tipanan, sapagkat nanatili sa ibabaw niyon ang ulap, at pinuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.

36 Kapag ang ulap ay napapaitaas mula sa tabernakulo ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay.

37 Subalit kapag ang ulap ay hindi napapaitaas ay hindi sila naglalakbay hanggang sa araw na iyon ay pumaitaas.

38 Sapagkat sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel.

1 Tesalonica 4:1-12

Ang Buhay na Kalugud-lugod sa Diyos

Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa.

Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.

Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid;

na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan[a] sa pagpapakabanal at karangalan,

hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos;

na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo.

Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan.

Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.

Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuruan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa.

10 At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin.

11 Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;

12 upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.

Mateo 5:38-48

Turo tungkol sa Paghihiganti(A)

38 “Narinig(B) ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’

39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong labanan ang masamang tao.’ At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.

40 Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal.

41 Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo.

Ibigin ang Kaaway(C)

43 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,

45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?

48 Kaya't kayo(D) nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001