Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2 Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3 Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4 Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
haba ng mga araw magpakailanman.
5 Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6 Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
8 Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
9 Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.
13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
ang aking tinig at aking mga hiling.
2 Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
3 Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
4 Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
“O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”
5 Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
oo, ang Diyos namin ay maawain.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
8 Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
ang mga mata ko sa mga luha,
ang mga paa ko sa pagkatisod;
9 Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
“Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
“Lahat ng tao ay sinungaling.”
12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Bilang Pagpupuri sa Panginoon
117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
2 Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Ang Tubig mula sa Bato sa Refidim(A)
17 Ang(B) buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga lugar na kanilang nilakbay sa utos ng Panginoon, at nagkampo sa Refidim; at walang tubig na mainom ang taong-bayan.
2 Kaya't ang taong-bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” At sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”
3 Subalit ang taong-bayan ay nauhaw roon at sila ay nagreklamo laban kay Moises at sinabi, “Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto, upang patayin mo sa uhaw, kami, ang aming mga anak, at ang aming kawan?”
4 Kaya't si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, “Anong aking gagawin sa bayang ito? Kulang na lamang ay batuhin nila ako.”
5 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dumaan ka sa harap ng taong-bayan, at isama mo ang matatanda ng Israel; at dalhin mo ang tungkod na iyong ipinalo sa ilog, at humayo ka.
6 Ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong hahampasin ang bato, at bubukalan ito ng tubig, upang ang bayan ay makainom.” At gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatanda sa Israel.
7 Tinawag niya ang pangalan ng dakong iyon na Massah at Meriba, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil kanilang sinubok ang Panginoon, na kanilang sinasabi, “Ang Panginoon ba'y nasa kalagitnaan natin o wala?”
Pakikipaglaban kay Amalek
8 Nang magkagayo'y dumating si Amalek at nakipaglaban sa Israel sa Refidim.
9 Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka para sa atin ng mga lalaki, lumabas ka at lumaban kay Amalek. Bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol na hawak ang tungkod ng Diyos sa aking kamay.”
10 Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kanya, at nakipaglaban kay Amalek; at sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol.
11 Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek.
12 Subalit ang mga kamay ni Moises ay nangalay, kaya't sila'y kumuha ng isang bato at inilagay sa ibaba, at kanyang inupuan. Inalalayan nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay, ang isa'y sa isang panig, at ang isa'y sa kabilang panig; at ang kanyang mga kamay ay nanatili sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.
13 Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak.
14 Sinabi(C) ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalim ng langit.”
15 Nagtayo si Moises ng isang dambana at pinangalanan ito ng, Ang Panginoon ay aking watawat.[a]
16 Kanyang sinabi, “May kamay sa watawat ng Panginoon. Ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalek mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.”
Mga Katiwala ng mga Kaloob ng Diyos
7 Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,[a] kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin.
8 Higit(A) sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.
9 Maging mapagpatulóy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.
10 Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.
11 Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang kataka-takang bagay na nangyayari sa inyo.
13 Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag.
14 Kung kayo'y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo.
15 Ngunit huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamatay-tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapanghimasok.
16 Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito.
17 Sapagkat ito'y panahon upang simulan ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At(B) kung ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, ano kaya ang mangyayari sa masasama at makasalanan?
19 Kaya't ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na lumikha sa paggawa ng mabuti.
Kalungkutan at Kagalakan
16 “Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita.”
17 Ang ilan sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong sinasabi niya sa atin, ‘Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita’ at, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama?’”
18 Sinabi nila, “Ano ang ibig niyang sabihin na, ‘Sandali na lamang?’ Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.”
19 Nalaman ni Jesus na ibig nilang magtanong sa kanya, kaya't sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol dito sa aking sinabi, ‘Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita?’
20 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y iiyak at tatangis, subalit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo'y malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay magiging kagalakan.
21 Kapag ang babae ay nanganganak, siya ay nahihirapan sapagkat dumating na ang kanyang oras. Ngunit pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanlibutan.
22 Kayo sa ngayon ay may kalungkutan, ngunit muli ko kayong makikita. Magagalak ang inyong puso, at walang makakapag-alis sa inyo ng inyong kagalakan.
23 Sa araw na iyon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anuman. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y hihingi ng anuman sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya ito sa inyo.[a]
24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan ko. Kayo'y humingi at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
Pagtatagumpay Laban sa Sanlibutan
25 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa paraang patalinghaga. Darating ang oras, na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi maliwanag na sa inyo'y sasabihin ko ang tungkol sa Ama.
26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi sa inyo na ako'y hihingi sa Ama para sa inyo.
27 Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo, sapagkat ako'y inyong minahal, at kayo'y nanampalataya na ako'y buhat sa Diyos.[b]
28 Ako'y nagbuhat sa Ama at dumating ako sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan, at ako'y pupunta sa Ama.”
29 Sinasabi ng kanyang mga alagad, “Oo nga, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at hindi patalinghaga.
30 Ngayon ay nalalaman namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi na kailangang tanungin ka ng sinuman. Dahil dito'y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos.”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Ngayon ba ay sumasampalataya na kayo?
32 Narito, ang oras ay dumarating, at dumating na nga, na kayo'y magkakawatak-watak, ang bawat isa sa kanyang sarili, at ako'y iiwan ninyong mag-isa. Subalit hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.
33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001