Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 45

Maskil para sa Maharlikang Kasalan

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.

45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
    ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
    ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.

Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
    ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
    kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
    sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!

At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
    para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
    ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
Ang iyong mga palaso ay matalas
    sa puso ng mga kaaway ng hari,
    ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.

Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
    Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
    iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
    ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
    Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
    Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
    sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.

10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
    kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11     at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12     At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
    at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.

13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14     Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
    ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
    habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
    gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
    kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.

Mga Awit 47-48

Kataas-taasang Pinuno

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
    Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
    isang dakilang hari sa buong lupa.
Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
    at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
    ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)

Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
    ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
    Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!

Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
    ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
    bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
    siya'y napakadakila.

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
    sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
    ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
    ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.

Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
    sila'y dumating na magkakasama.
Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
    sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
Sila'y nanginig,
    nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
Sa pamamagitan ng hanging silangan
    ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
    sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
    na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)

Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
    sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
    ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11     Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
    dahil sa iyong mga paghatol!

12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
    inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
    inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14     na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
    Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.

Exodo 32:21-34

21 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?”

22 Sinabi ni Aaron, “Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.

23 Sapagkat kanilang sinabi sa akin, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.’

24 At aking sinabi sa kanila, ‘Sinumang may ginto ay hubarin ito,’ at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!”

Pinarusahan ang mga Tao

25 Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),

26 tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, “Sino ang nasa panig ng Panginoon? Lumapit kayo sa akin.” At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.

27 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.’”

28 Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.

29 Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito.”

30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, “Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.”

31 Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, “O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.

32 Ngunit(A) ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”

33 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.

34 Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan.”

1 Tesalonica 1

Pagbati at Pasasalamat

Si(A) Pablo, at sina Silvano at Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.

Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat na tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin.

Aming inaalala sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawang mula sa pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig at katatagan ng pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo;

yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Diyos, ang pagkahirang sa inyo.

Ang Halimbawa ng mga Taga-Tesalonica

Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo at sa lubos na pagtitiwala, kung paanong nalalaman ninyo kung anong pagkatao ang aming pinatunayan sa inyo alang-alang sa inyo.

At(B) kayo'y naging taga-tulad sa amin at sa Panginoon, na inyong tinanggap ang salita sa matinding kapighatian, na may kagalakan ng Espiritu Santo,

anupa't kayo'y naging halimbawa sa lahat ng mananampalatayang nasa Macedonia at nasa Acaia.

Sapagkat mula sa inyo'y umalingawngaw ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaia, kundi sa lahat ng dako ay napabalita ang inyong pananampalataya sa Diyos; kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman.

Sapagkat sila ang nagbalita tungkol sa amin, kung paano ninyo kami tinanggap at kung paanong bumaling kayo sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan, upang maglingkod sa buháy at tunay na Diyos,

10 at upang hintayin ang kanyang Anak mula sa langit, na kanyang binuhay mula sa mga patay, si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na darating.

Mateo 5:11-16

11 “Mapapalad(A) kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.

12 “Magalak(B) kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.

Asin at Ilaw(C)

13 “Kayo(D) ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.

14 “Kayo(E) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.

15 Hindi(F) nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.

16 Paliwanagin(G) ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001