Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 38

Panalangin ng nagdudusang lingkod. Awit ni (A)David, sa pagaalaala.

38 Oh Panginoon, (B)huwag mo akong sawayin sa iyong pagiinit:
Ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
Sapagka't ang (C)iyong mga pana ay nagsitimo sa akin,
At (D)pinipisil akong mainam ng iyong kamay.
Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit;
(E)Ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan.
Sapagka't ang (F)aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo:
Gaya ng isang pasang mabigat ay (G)napakabigat sa akin.
(H)Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok,
Dahil sa aking kamangmangan.
Ako'y nahirapan at ako'y (I)nahukot;
Ako'y tumatangis buong araw.
Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap;
At walang kagalingan sa aking laman.
Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam:
(J)Ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob.
Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo;
At ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata:
Tungkol sa (K)liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin.
11 (L)Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap;
At ang aking mga kamaganak (M)ay nakalayo.
12 Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay (N)nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin;
(O)At silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay,
At nangagiisip ng pagdaraya buong araw.
13 Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig;
(P)At ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
At sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan.
15 Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako:
Ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios.
16 Sapagka't aking sinabi: (Q)Baka ako'y kagalakan nila:
Pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin.
17 Sapagka't ako'y madali ng mahulog,
At ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko.
18 Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan;
(R)Aking ikamamanglaw ang aking kasalanan.
19 Nguni't ang aking mga kaaway ay buháy at malalakas:
At silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay (S)dumami.
20 (T)Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti
Ay mga kaaway ko, (U)sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti.
21 Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon:
Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin.
22 Magmadali kang tulungan mo ako,
Oh Panginoon na aking kaligtasan.

Mga Awit 119:25-48

DALETH.

25 (A)Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok:
(B)Buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
26 Aking ipinahayag ang mga lakad ko, at ikaw ay sumagot sa akin:
Ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
27 (C)Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga tuntunin:
Sa gayo'y aking bubulayin ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
28 Ang kaluluwa ko'y natutunaw sa kabigatan ng loob:
Iyong palakasin ako ayon sa iyong salita.
29 Ilayo mo sa akin ang daan ng kasinungalingan:
At ipagkaloob mo sa aking may pagbibiyaya ang iyong kautusan.
30 Aking pinili ang daan ng pagtatapat:
Ang mga kahatulan mo'y inilagay ko sa harap ko.
31 Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo:
Oh Panginoon, huwag mo akong ilagay sa kahihiyan.
32 Aking tatakbuhan ang daan ng iyong mga utos,
Pagka iyong (D)pinalaki ang aking puso.

HE.

33 Ituro mo sa akin, Oh Panginoon, ang daan ng iyong mga palatuntunan;
At aking iingatan hanggang sa wakas.
34 Bigyan mo ako ng pagkaunawa at aking iingatan ang iyong kautusan;
Oo, aking susundin ng aking buong puso.
35 Payaunin mo ako sa landas ng iyong mga utos;
Sapagka't siya kong (E)kinaaliwan.
36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
At huwag sa (F)kasakiman.
37 (G)Alisin mo ang aking mga mata (H)sa pagtingin ng walang kabuluhan.
At buhayin mo ako sa iyong mga daan.
38 (I)Papagtibayin mo ang iyong salita sa iyong lingkod,
Na ukol sa takot sa iyo.
39 Alisin mo ang aking kadustaan na aking kinatatakutan:
Sapagka't ang mga kahatulan mo'y mabuti.
40 Narito, ako'y (J)nanabik sa iyong mga tuntunin;
Buhayin mo ako sa iyong katuwiran.

VAU.

41 (K)Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon,
Sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita.
42 Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin;
Sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.
43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig;
Sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan.
44 Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi
Magpakailan-kailan pa man.
45 At lalakad ako sa kalayaan;
Sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.
46 (L)Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari,
At hindi ako mapapahiya.
47 At ako'y maaaliw sa iyong mga utos,
Na aking iniibig.
48 (M)Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig;
At ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.

Mga Panaghoy 2:8-15

Ipinasiya ng Panginoon na gibain ang kuta ng anak na babae ng Sion;
(A)Kaniyang iniladlad ang lubid, hindi niya iniurong ang kaniyang kamay sa paggiba:
At kaniyang pinapanaghoy ang moog at ang kuta; (B)nanganglulupaypay kapuwa.
Ang kaniyang mga pintuangbayan ay nangabaon sa lupa; kaniyang giniba at nasira ang kaniyang mga halang:
(C)Ang kaniyang hari at ang kaniyang mga prinsipe ay nangasa gitna ng mga bansa na (D)hindi kinaroroonan ng kautusan;
Oo, (E)ang kaniyang mga propeta ay hindi nangakakasumpong ng pangitaing mula sa Panginoon.
10 Ang mga matanda ng anak na babae ng Sion ay nangauupo sa lupa, (F)sila'y nagsisitahimik;
(G)Sila'y nangagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo; sila'y nangagbigkis ng kayong magaspang:
Itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa.
11 Pinangangalumata ng mga luha ang aking mga mata, namamanglaw ang aking puso,
Ako'y lubhang nahahapis, (H)dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan,
Dahil sa ang mga bata at ang mga pasusuhin ay nanganglulupaypay sa mga langsangan ng bayan.
12 Kanilang sinasabi sa kanilang mga ina,
Saan nandoon ang trigo at alak?
Pagka sila'y nanganglulupaypay na parang sugatan sa mga lansangan sa bayan,
Pagka ang kanilang kaluluwa ay nanglulupaypay sa kandungan ng kanilang mga ina.
13 Ano ang aking patototohanan sa iyo? (I)sa ano kita iwawangis, Oh anak na babae ng Jerusalem?
Ano ang ihahalintulad ko sa iyo, upang maaliw kita, Oh anak na dalaga ng Sion?
Sapagka't ang iyong sira ay (J)malaking parang dagat: sinong makapagpapagaling sa iyo?
14 Ang iyong mga propeta ay (K)nakakita para sa iyo ng mga pangitain na walang kabuluhan at kamangmangan;
At hindi nila (L)inilitaw ang iyong kasamaan, (M)upang bawiin ang iyong pagkabihag,
Kundi nakarinig para sa iyo ng mga hulang (N)walang kabuluhan at mga kadahilanan ng pagkatapon.
15 Lahat na nangagdaraan ay (O)ipinapakpak ang kanilang kamay sa iyo;
Sila'y nagsisisutsot at iginagalaw ang kanilang ulo sa anak na babae ng Jerusalem, na sinasabi,
Ito baga ang bayan na tinatawag ng mga tao (P)Ang kasakdalan ng kagandahan, Ang kagalakan ng buong lupa?

1 Corinto 15:51-58

51 Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi (A)tayong lahat ay mangatutulog, (B)nguni't tayong lahat ay babaguhin,

52 Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, (C)sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.

53 Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at (D)itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.

54 Datapuwa't pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, (E)Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.

55 Saan naroon, (F)Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?

56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at (G)ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan:

57 Datapuwa't salamat sa Dios, (H)na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

58 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa (I)gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo (J)na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.

Mateo 12:1-14

12 Nang panahong yaon ay (A)naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at (B)nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.

Datapuwa't pagkakita nito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniya, Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo (C)ang hindi matuwid na gawin sa sabbath.

Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi baga ninyo nabasa (D)ang ginawa ni David nang siya'y nagutom, at ang mga kasamahan niya;

Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain siya ng mga (E)tinapay na handog, na hindi matuwid na kanin niya, ni ng mga kasamahan niya, (F)kundi ng mga saserdote lamang?

O hindi baga ninyo nabasa (G)sa kautusan, kung papaanong sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath, at hindi nangagkakasala?

Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na dito ay may isang lalong dakila kay sa templo.

Datapuwa't kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, (H)Habag ang ibig ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan.

Sapagka't ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.

At siya'y umalis doon at (I)pumasok sa sinagoga nila:

10 At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, (J)Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong.

11 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?

12 Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.

13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa.

14 Datapuwa't nagsialis ang mga Fariseo, at nangagpulong laban sa kaniya, kung papaanong siya'y maipapupuksa nila.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978