Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kapayapaang Walang Hanggan(A)
2 Ang salita na nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 At mangyayari sa mga huling araw,
na ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
at itataas sa ibabaw ng mga burol;
at lahat ng bansa ay pupunta roon.
3 Maraming tao ang darating at magsasabi:
“Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng Panginoon,
sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan,
at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin,
at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
4 Kanyang(B) hahatulan ang mga bansa,
at magpapasiya para sa maraming tao;
at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,
at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
o matututo pa ng pakikipagdigma.
5 O sambahayan ni Jacob,
halikayo at tayo'y lumakad
sa liwanag ng Panginoon.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(A)
36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak[a] kundi ang Ama lamang.
37 Kung(B) paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
38 Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko,[b]
39 at(C) hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
40 Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
41 May dalawang babaing magtatrabaho[c] sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
42 Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw[d] darating ang inyong Panginoon.
43 Ngunit(D) unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay.
44 Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001