Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
12 Kahabag-habag siya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng dugo,
at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!
13 Hindi ba mula sa Panginoon ng mga hukbo
na ang mga tao ay gumagawa lamang para sa apoy,
at ang mga bansa ay nagpapakapagod sa walang kabuluhan?
14 Sapagkat(A) ang lupa ay mapupuno
ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon,
gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
15 Kahabag-habag siya na nagpapainom sa kanyang kapwa,
na idinadagdag ang iyong kamandag at nilalasing sila,
upang iyong mamasdan ang kanilang kahubaran!
16 Ikaw ay mapupuno ng kahihiyan sa halip na kaluwalhatian.
Uminom ka, ikaw, at ilantad ang iyong kahubaran!
Ang kopa sa kanang kamay ng Panginoon
ay darating sa iyo,
at ang kahihiyan ang papalit sa iyong kaluwalhatian!
17 Ang karahasang ginawa sa Lebanon ay tatabon sa iyo,
ang pagkawasak sa mga hayop na tumakot sa kanila,
dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasan sa lupain,
sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.
18 Anong pakinabang sa diyus-diyosan
pagkatapos na anyuan ito ng gumawa niyon,
isang metal na larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan?
Sapagkat ang manggagawa ay nagtitiwala sa kanyang sariling nilalang
kapag siya'y gumagawa ng mga piping diyus-diyosan!
19 Kahabag-habag siya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka;
sa piping bato, Bumangon ka!
Makakapagturo ba ito?
Tingnan ninyo, nababalot ito ng ginto at pilak,
at walang hininga sa loob niyon.
20 Ngunit ang Panginoon ay nasa kanyang templong banal;
tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!
9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid,
10 hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o sa mga masasakim at mga magnanakaw, o sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, sa gayo'y kailangan pa kayong lumabas sa sanlibutan.
11 Kundi ngayon ay sinusulatan ko kayo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o nagmumura, o maglalasing, o magnanakaw—ni huwag man lamang kayong kumaing kasalo ng ganyang uri ng tao.
12 Sapagkat anong kinalaman ko sa paghatol sa nasa labas? Hindi ba yaong mga nasa loob ang inyong hahatulan?
13 Subalit(A) ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas. “Alisin ninyo ang masamang tao sa gitna ninyo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001