Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 117

Bilang Pagpupuri sa Panginoon

117 Purihin(A) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
    Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
    at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!

Jeremias 30:18-24

18 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ibabalik ko ang mga kayamanan ng mga tolda ni Jacob,
    at kahahabagan ko ang kanyang mga tirahan;
ang lunsod ay muling itatayo sa kanyang lugar,
    at ang palasyo ay tatayo sa dati niyang kinalalagyan.
19 Buhat sa kanila ay magmumula ang mga awit ng pasasalamat,
    at ang mga tinig ng mga nagdiriwang.
Pararamihin ko sila, at sila'y hindi mababawasan;
    akin silang pararangalan, at sila'y hindi magiging hamak.
20 Ang kanilang mga anak ay magiging gaya nang una,
    at ang kanilang kapulungan ay matatatag sa harapan ko,
    at parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa kanila.
21 Ang kanilang pinuno ay magiging isa sa kanila,
    at ang kanilang tagapamahala ay magmumula sa gitna nila;
palalapitin ko siya, at siya'y lalapit sa akin,
    sapagkat sino ang mangangahas na lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.
22 At kayo'y magiging aking bayan,
    at ako'y magiging inyong Diyos.”

23 Narito, ang bagyo ng Panginoon!
    Ang poot ay lumabas na,
isang paikut-ikot na unos;
    ito ay sasabog sa ulo ng masama.
24 Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi uurong
    hanggang sa kanyang maigawad at hanggang maisagawa niya
    ang balak ng kanyang isipan.
Sa mga huling araw ay inyong mauunawaan ito.

Apocalipsis 22:8-21

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”

10 At sinabi niya sa akin, “Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon.

11 Ang(A) masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa.”

12 “Ako'y(B) malapit nang dumating[a] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.

13 Ako(C) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”

14 Mapapalad(D) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.

15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

16 “Akong(E) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”

17 Ang(F) Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika.”
At ang nakikinig ay magsabi, “Halika.”
At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.

Mga Babala at Basbas

18 Aking(G) binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito,

19 at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito.

20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating.”[b] Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!

21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.[c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001